2 babaeng Vietnamese na dinukot ng mga Chinese nasagip sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2020 04:45 PM

Nasagip ng mga awtoridad noong gabi ng Martes ang 2 babaeng Vietnamese na sinasabing dinukot ng mga lalaking Chinese sa Las Piñas.

Natunton ang inuupahang bahay ng mga Chinese na pinagtataguan din nila sa mga biktima sa Golden Gate Subdivision, Barangay Talon Tres, ayon sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Isa sa mga Chinese na umano ay dumukot sa mga babae ang naaresto sa raid habang nakatakas naman ang isang suspek.

Nagkakilala ang mga biktima at suspek sa online dating site at napagkasunduang magpunta sa inuupahang bahay noong Disyembre 30, ayon sa imbestigasyon.

Pagdating sa bahay, itinali umano ang mga babae at binusalan ang bibig.

Kinontak ng mga suspek ang pamilya ng mga biktima para hingan ng pera kapalit ng kalayaan ng mga babae.

Humingi ng tulong ang mga pamilya sa CIDG matapos maipadala ng isa sa mga biktima ang lokasyon nito sa pinsan.

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.