PatrolPH

Unang 5 'New Year babies' sa Fabella makatatanggap ng regalo

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2019 06:37 PM

Unang 5 'New Year babies' sa Fabella makatatanggap ng regalo 1
Dalawang babae ang unang nagsilang ng kanilang mga anak sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital nitong Enero 1, 2019. Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Masayang sinalubong ng mga doktor, nurse, at staff ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital ang pagpasok ng 2019, lalo pa't may 2 sanggol na buena manong ipinanganak sa kanilang ospital.

Lagpas isang oras matapos pumatak ang 2019, tsaka pa lang naisilang ang kauna-unahang sanggol sa naturang ospital.

Ito ay kinilala bilang si baby Zairah, at ikatlo nang anak ni Lenie Bonto, 31, housewife na nakatira sa Quezon City.

Kuwento ni Bonto, naging mas mahirap iluwal si Zairah kumpara sa 2 nitong mga nakatatandang kapatid. Hiling niya sa bagong anak ay lumaki itong mabait at malusog.

"[Sana] maging good health po siya at makapagtapos siya ng pag-aaral at lumaki siya nang mabait," ayon kay Bonto.

May isa pang sanggol na ipinanganak 30 minuto lang ang pagitan kay baby Zairah, pero hindi na nagpaunlak ng pahayag ang pamilya dahil menor de edad ang nanay.

Sabi naman ni Dra. Prima Donna Napa-Lim, senior house officer ng ospital, ngayon na lang ulit sila nakaranas ng New Year baby na ipinanganak mahigit isang oras pa pagkatapos sumapit ang Bagong Taon.

Saad niya, naging tradisyon na nila ang pagkilala sa New Year babies. 

"For the New Year babies since we're all here in the hospital, it's really, instead of being with our family, they're our family," ani Napa-Lim. 

Sabi pa ni Napa-Lim, madalas may mga donor na nagbibigay ng mga kagamitan na pansanggol para sa New Year babies.

Para sa 2019, ang unang limang sanggol na ipapanganak sa Fabella ay makatatanggap ng mga regalo.

— Ulat ni Bruce Rodriguez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.