PatrolPH

Bilang ng sugatan sa paputok, lagpas kalahati ang natapyas ngayong 2019

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2019 08:47 PM | Updated as of Jan 01 2019 09:01 PM

Watch more on iWantTFC

Malaki-laki ang ibinaba ng bilang ng mga nasugatan dahil sa paputok kasabay ng pagsalubong sa Bagong Taon, ayon sa tala ng Department of Health (DOH).

Kung noon ay bibihirang nakakasama ang mga tauhan ng ospital sa kasiyahan ng pagsalubong sa Bagong Taon, sa pagpasok ng 2019 ay nakapag-countdown at nakapagsindi pa ng pailaw sa labas ng ospital ang ilang staff ng East Avenue Medical Center. 
    
Ngayong taon kasi, mabibilang lang sa sampung daliri ang mga kaso ng sugatan dahil sa paputok na isinugod sa kanilang ospital. 

Sa Jose Reyes Memorial medical center naman, 24 ang bilang ng mga naisugod dahil sa paputok. 

Isa ang kinailangang putulan ng daliri habang isa naman ang kinailangang putulin ang buong kaliwang kamay. 
 
Gayunpaman, ayon sa Department of Health (DOH), malayo pa rin ang numero kung ikukumpara sa mga sugatan noong isang taon. 
    
Mula Disyembre 21 hanggang Enero 1, aabot sa 139 ang kaso ng mga fireworks-related injury, mababa ng 68 porsiyento kumpara sa 428 sa parehong panahon noong 2017. 

Ang nagdulot ng pinakamaraming kaso ng sugatan ay kwitis na sinundan ng boga, piccolo, lusis, five star, at triangulo.
 
Bagama't natutuwa ang DOH na malaki ang ibinawas ng mga sugatan sa paputok, target pa rin nila ang zero casualty sa mga susunod na taon. 

"The total ban cannot be executed cavalierly without the benefit of identifying alternative livelihood activities or programs... for people who will be displaced because of the ban," paliwanag ni Health Secretary Francisco Duque III.

IBA'T IBANG PARAAN NG PAGSALUBONG

Watch more on iWantTFC

Dahil na rin sa mahigpit na regulasyon ng pamahalaan kontra paputok, maraming pamilya ang pinili na lamang na sa mga parke salubungin ang 2019.

Kahit naging maulan, umabot sa may 300,000 ang mga sumalubong ng Bagong Taon sa Rizal Park.
    
Kaniya-kaniyang puwesto ang mga pumunta at naglatag ng kanilang baong handa para sa Media Noche.
    
Ayon sa Philippine National Police (PNP), 12,000 pulis ang ikinalat sa Metro Manila para magbantay.

Binarikada naman ng National Parks Development Committee ang ilang bahagi ng Luneta para mas mabantayan ang seguridad ng mga tao at maiwasan din na masira ang ilang bahagi ng parke.

Watch more on iWantTFC

Isa pa sa paboritong pasyalan ng mga pamilya ang Quezon Memorial Circle.

Nagkaroon ng pagkakataon ang mga Pinoy na makapamasyal sa unang araw ng Bagong Taon matapos gumanda ang panahon.

Pagsapit ng umaga ng Martes ay dinumog na ang Circle dahil libre lang ang pagpasok dito puwera na lang kung may sasakyan dahil may bayad ang parking.

Pati ang La Mesa Ecopark ay hitik sa bisita kung saan P50 lang ang entrance fee.

Watch more on iWantTFC

Ang Tagaytay City, dinayo din dahil bukod sa malamig na klima ay mayroon pang amusement park na patok sa mga kabataan.

Ayon sa pamunuan ng Sky Ranch, mas kaunti ang tao sa unang araw ng Bagong Taon kumpara sa mga dumayo noong Pasko, ngunit mas marami pa rin kumpara sa regular na araw.

Dagdag pa ng pamunuan ng parke, hanggang Enero 6 nila ipatutupad ang kanilang extended hours.

Watch more on iWantTFC

Kaniya-kaniya namang gimik sa mga probinsiya sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Bida ang mga higante at kakaibang torotot sa Davao City sa pagdiriwang ng ikalimang Torotot Festival kung saan 15 ang sumali sa kompetisyon.

Nasa 16 taon na ipinatutupad sa lungsod ang firecracker ban at ang Torotot Festival ang isa sa mga alternatibong paraan nila ng pag-iingay sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Sa Baguio City, nagtayo ng tent ang ilang turista sa Burnham Park para magsalo-salo sa pagsalubong sa 2019.

Dahil malamig pa rin sa Baguio, nakatalukbong ng kumot ang iba habang naghihintay ng countdown. Ang ilan, bonfire at pagkaing inihaw ang pangontra sa ginaw.

Sa Pampanga, ipinrusisyon sa Sta. Ana ang patron na sabay sa tugtog ng brass band na tradisyon na nila bago salubungin ang Bagong Taon.
    
May concert at fireworks display naman sa isang hotel sa Clark.

Watch more on iWantTFC

Sa iba't ibang bansa naman, naging enggrande at makulay ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Isa sa mga naunang sumalubong sa 2019 ang Auckland, New Zealand at Sydney, Australia.

Hindi naman nagpahuli ang Hong Kong nang mapuno ng fireworks ang Victoria Harbour.

Sa isang pambihirang pagkakataon naman, dumalo ang North Koreans sa isang concert at fireworks display sa Kim Il Sung Square sa Pyongyang.

Sa Taiwan, magkahalo ang projection display at fireworks sa gusaling Taipei 101.

Ganoon din ang gimik sa Burj Khalifa sa Dubai, ang pinakamataas na gusali sa buong mundo. 

Pero sa Al Marjan Island sa UAE naitala ang Guinness World Record sa longest chain of fireworks at longest straight line fireworks display.

Napuno naman ng tao ang Champs-Élysées na nanood ng fireworks sa Arc de Triomphe sa Paris, France.

Sa London, pinalibutan ng fireworks ang London Eye kasabay ng pagtunog ng Big Ben.

Sa beach naman nagtungo ang mga taga-Rio de Janeiro sa Brazil para salubungin ang 2019.

Habang sa New York, hindi nagpatinag sa ulan ang libo-libong nagtiis sa lamig sa Times Square para sa taunang new year's eve balldrop.

Inialay ng organizers ang selebrasyon para sa mga mamamahayag sa buong mundo.

—Ulat nina Raphael Bosano, Mike Navallo, Jeff Canoy, Jorge Cariño, Jerome Lantin, at Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.