Mga kaanak ng naaksidente sa Agoo, di nagdiwang sa pagpasok ng 2018

Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2018 09:18 PM

Malungkot ang naging pagsalubong sa Bagong Taon ng mga taga-Barangay Pilar sa Bauang, La Union dahil walo sa mga nasugatan sa salpukan ng bus at jeep sa bayan ng Agoo ay nagpapagaling pa rin sa ospital. 

"Paano kami maghahanda, nawalan na kami ng nanay, uncle ko, auntie ko, hindi na masaya," pahayag ni Lisa Amolacion.

Sa Enero 5 ang libing ng 20 nasawi sa salpukan ng Partas Bus at jeep sa Agoo noong madaling araw ng Pasko.

"Ngayon po, wala, di po kami nagpaplano ngayon. Di po namin magawang magsaya. Ganito po ang sitwasyon namin, hindi po namin kayang magsaya," pahayag naman ni Grace Antolin. 

Pero kahit papano ay nagkaroon pa rin ng simpleng salu-salo ang mga kaanak ng nasawing si Manuelito Lomboy. Ito'y para sa kanyang nalalapit na kaarawan, sa Enero 5. 

Nangako raw ang kumpanya ng Partas na magbibigay ng P15,000 tulong pinansiyal sa pamilya ng mga nasawi at nasugatan.

Pero hindi raw ito sapat. 

"Hindi po papayag 'yung mga pamilya, pero kung 'yung ibibigay ay tulong, papayag po sila, pero kung 'yung P15,000 bayad po sa bawat isa di sila papayag. Pag-uusapan namin sa barangay,” sabi ni Marivic Bulacan, punong barangay ng Barangay Pilar.

Labis pang ikinalulungkot ng mga kaanak ang pansamantalang paglaya ng driver ng bus.

"Sana hindi muna siya pinalaya, hinintay pa po sana nilang may nakalabas na pasyente sa ospital para makuwento 'yung buong nangyari,” sabi ni Aljean Cabradilla.
 
Pag-uusapan pa ng mga kaanak matapos ang libing kung itutuloy ang pagsasampa ng reklamo laban sa driver ng Partas o iaareglo na lang. 

Nahaharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple injuries and damage to property. 

Nakalabas na ang lima at siyam na taong gulang na anak ni Johnnie habang nagpapagaling pa rin ang kanyang misis. 

May walo pang nagpapagaling sa ospital mula sa mga nasugatang sakay ng jeep. 

Sinuspinde na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa ng dalawang pampublikong jeep ng may-ari ng jeep na nasangkot sa aksidente.

Suspendido na rin ang prangkisa ng pitong bus ng Partas na biyaheng Maynila haggang Pagudpud, Ilocos Norte.

Magkakaroon naman ng pagdinig sa LTFRB sa Enero 10.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.