Callamard, ipinagtanggol ang Pinoy UN rapporteurs mula sa patutsada

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2018 08:23 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Nakahanap ng kakampi ang dalawang Pilipinong special rapporteur sa United Nations (UN) matapos silang banatan ng Malacañang sa kanilang pahayag kaugnay sa sitwasyon ng mga lumad sa Mindanao.

Ayon sa kapwa nila special rapporteur na si Agnes Callamard, walang bahid-pulitika ang pahayag ng dalawa, na ginagawa lang ang kanilang tungkulin na may tapang at walang kinakampihan.

"I commend my fellow special rapporteurs, Victoria Tauli-Corpuz and Cecilia Jimenez-Damary, for implementing their mandates independently, impartially, accurately, and courageously," ani Callamard, ang UN special rapporteur on extrajudicial, summary and arbitrary executions.

Si Jimenez-Damary ay ang special rapporteur on the human rights of internally-displaced persons habang si Tauli-Corpuz ay ang special rapporteur on the rights of indigenous peoples.

Sa magkasamang pahayag ng dalawa, sinabi nilang libu-libo na ang nawalan ng tahanan at kabuhayan dahil sa tinawag nilang militarisasyon ng rehiyon. 

"They are suffering massive abuses of their human rights, some of which are potentially irreversible...We fear the situation could deteriorate further if the extension of martial law until the end of 2018 results in even greater militarization," ayon sa dalawa.

Tugon naman ni Presidential Spokesman Harry Roque sa pahayag, hindi umano dapat ginagamit ng dalawa ang kanilang posisyon upang "hiyain" ang gobyerno.

Pero giit ni Callamard, hindi sila mapatatahimik ng sino man.

"We will not be silenced by lies nor intimidated by anyone's bully pulpit."

Itinama rin ni Callamard si Roque na sinabing naitalaga sa posisyon ang dalawang Pinoy na rapporteur dahil sa "behest" o utos ng nakaraang administrasyon.

Aniya, mga volunteer sila na itinalaga ng UN Human Rights Council. Hindi rin daw sila nakatatanggap ng suweldo kapalit ng serbisyo.

Sagot ni Roque

Sagot naman ni Roque, wala namang nanakot kay Callamard at hindi rin ito ang tinutukoy niya sa pahayag kung hindi ang dalawang Pinoy.

"Who's threatening her? [I] didn't even mention her. She's obviously craving attention, which I refused to give her," ani Roque.

Pero para sa human rights group na Karapatan, malaking bagay ang suporta ng special rapporteurs.

"Statements coming especially from the UN will really help in terms of [putting] pressure [on] our government," ani Jigs Clamor, deputy secretary general ng grupo.

Ayon sa grupo, may 29 na biktima na ng extrajudicial killings sa Mindanao mula nang ideklara ang martial law noong Mayo.

Kabilang na raw dito ang mga biktima diumano ng kampanya ng goberyo laban sa mga rebeldeng komunista.

--Ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.