9 bahay nasunog sa Naga City sa pagpapalit ng taon

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2018 08:00 PM

Natupok ang siyam na bahay nang sumiklab ang isang sunog sa Barangay Igualdad, Naga City nitong Bagong Taon.

Tinatayang P250,000 ang halaga ng napinsala sa sunog na umano'y nagsimula sa isang bahay kung saan may nag-aaway na pamilya.

"Kung hindi po dahil sa kanila, di po masusunog ang bahay namin. Lahat po kaming magkakapatid naapektuhan dahil sa kanila," ani German Paoyo, isa sa mga nasalanta sa sunog. 

Kuwento niya, nag-iinuman sila ng kanyang mga kaibigan para ipagdiwang ang Bagong Taon nang sumiklab ang sunog pasado alas-2 ng madaling araw ng Lunes.

Nahirapan ang mga bombero na pasukin ang lugar dahil magkakatabi ang mga bahay. Naapula ang sunog matapos ang isang oras.

Ayon kay Inspector Jose Callos, hepe ng Bureau of Fire Protection- Naga City, away ng isang pamilya ang isa sa tinitingnan nilang sanhi ng sunog.

"Yun po ang sinusundan namin na mahanap ang pamilya para makunan ng salaysay...Hahanapin po namin 'yung dapat managot," aniya.

Namigay naman ng pagkain, bigas, at kumot ang lokal na pamahalaan sa mga biktima na pansamantalang nakikituloy sa kanilang mga kamag-anak.

"In-advise-an ko na (ang barangay) na magpasa ng resolution declaring state of calamity para ma-access nila ang 30 percent sa calamity fund para makatulong sa pagsisimula ng mga nasunugan," ani Naga City Mayor John Bongat.

-- Mylce Mella, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.