50 bahay, naabo sa sunog sa Davao

Rodirey Salas, ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2018 09:57 AM

DAVAO CITY - Hindi naging masaya ang pagsalubong sa Bagong Taon ng ilang pamilya dito sa lungsod matapos matupok ng apoy ang hindi bababa sa 50 bahay, Lunes ng madaling araw.

Nagsimula ang sunog sa Geresa Subdivision sa Barangay Wilfredo Aquino dahil sa pagsisindi sa isang kuwitis, sabi ng mga residente.

Agad na kumalat at lumaki ang apoy dahil dikit-dikit at gawa sa kahoy ang mga bahay sa lugar.

Walang nasawi or nasaktan sa insidente ngunit tinatayang nasa P250,000 ang halaga ng ari-arian na nasunog, sabi ng mga awtoridad.

Naganap ang sunog isang linggo matapos magliyab ang isang bahagi ng NCCC Mall kung saan halos 40 tao ang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.