38 pamilya sa Nabunturan, ComVal, lumikas bago pa bumaha

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2018 11:22 PM

Kahit hindi pa bumabaha sa kanilang lugar ay lumikas na ang 38 pamilya mula sa Barangay Magsaysay sa bayan ng Nabunturan, Comspostela Valley papunta sa evacuation center sa Magsaysay Elementary School.

Sa evacuation center na sinalubong ng mga residente ang bagong taon.

Para makapagluto, nagdala ng rice cooker at mga kaldero ang 'bakwit' na si Nilda Bocala sa evacuation center.

"Manigurado na lang para ligtas ang pamilya, 'di gaya noon na maraming namatay sa New Bataan," aniya.

Naglatag sila ng mga karton sa sahig para tulugan. Gumamit rin sila ng kulambo para makaiwas sa mga lamok, at nagsindi rin ng katol.

Ayon kay Journey Piccio, isa sa mga lumikas, gusto sana nila na sa bahay na lang. Pero naintindihan din daw nila ang pangangailangang lumisan para na rin sa sarili nilang kaligtasan. 

Kaninang hapon, isinailalim na sa signal no. 1 ang mga probinsiya ng Compostela Valley, Davao Del Norte, at Davao Del Sur dahil sa bagyong 'Agaton'.

Isa ang Barangay Magsaysay sa mga flood-prone areas sa bayan ng Nabunturan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.