2 sundalo arestado dahil sa 'indiscriminate firing' sa Taguig

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2018 08:35 AM

Arestado ang 2 sundalo sa lungsod ng Taguig matapos silang ireklamo ng mga residente dahil sa pagpapaputok ng baril sa kalsada nitong Bagong Taon.

Dinampot ng mga pulis sina Staff Sargeant Jamael Mindalano, 38, at Corporal Richard John Quijano, 30, sa Sto. Niño Extension, Barangay New Lower Bicutan.

Ayon sa residenteng si Jolly Moreno, lasing umano si Mindalano habang nagpapaputok ito ng kaniyang baril sa kalsada.

Binati pa umano ni Moreno ang suspek ng "Happy New Year" pero bigla na lang nito pinutok ang baril malapit sa kaniyang paa.

Nagalusan sa kaliwang braso si Moreno dahil sa basyo ng bala kaya't nagsumbong siya sa mga pulis.

Narekober sa mga suspek ang 2 kalibre 45 na baril, 9mm kalibre na baril, kalibre 38 na baril at iba't-ibang bala.

Mahaharap ang 2 sundalo sa kaso ng indiscriminate firing, alarm and scandal, physical injury, direct assault, serious disobedience, at illegal possession of firearms dahil hindi aniya lisensyado ang mga narekober na mga baril, ayon kay Police Senior Insp. Jonathan Arribe, hepe ng istasyon ng pulis sa lugar.

Itinanggi naman ng mga suspek ang mga paratang sa kanila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.