2 bata, sugatan sa pamamaril sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2018 08:49 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dalawang bata na kapwa 10 taong gulang ang sugatan nang madamay sa insidente ng pamamaril sa Maypajo, Caloocan nitong Lunes ng madaling araw. Dulot ng away ang pamamaril, at hindi dahil sa pagsalubong sa bagong taon. 

Nasa malubhang kalagayan ang isa sa mga biktima matapos tamaan ng bala ang kanang braso at tumagos sa likod niya.

Muling sasailalim sa operasyon sa Martes ang bata, na nananatili sa Jose Reyes Medical Center.

Ayon kay Dr. Andre Adducul ng Jose Reyes Medical Center, wasak ang atay ng bata at nakitaan ito ng butas sa diaphragm.

Nakuhanan pa ng CCTV ng Maypajo ang pagbuhat at pagsakay sa sasakyan sa dalawang bata.

Nilinaw naman ng Caloocan police na nadamay lang ang mga bata sa isang insidente ng pamamaril. Pero hindi umano ito kaso ng indiscriminate firing sa pagsalubong ng bagong taon.

Kinilala ang suspek bilang si Isagani Ancheta, 38 anyos.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nagkaroon ng away sa pagitan ni Ancheta at sa nag-iinumang grupo ng 27 anyos na si Gil Calupaz sa Sawata Street, Maypajo.

Nasa Tondo General Hospital naman ang isa pang batang biktima habang dinala rin sa Jose Reyes si Calupaz.

Dumipensa si Ancheta at sinabing hinoldap umano siya kaya siya nanlaban.

Hindi niya umano alam na may tinamaan siyang mga bata.

Ipadadala sa crime lab ang ginamit na baril, na burado ang serial number.

Ayon sa suspek, hiniram niya umano ito sa isang kabarkada.

Sa huling tala ng Jose Reyes nitong Lunes, alas-3 ng hapon, wala pang naitatalang biktima ng ligaw na bala.

-- Ulat nina Willard Cheng, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.