Suspek sa pagpatay ng kapwa 'tulak-droga,' napaslang ng mga pulis

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Jan 01 2017 09:38 AM

PATAYAN SA PAGPASOK NG 2017: Napatay ng mga pulis ang isang lalaking itinuturong pumatay sa isang kapwa hinihinalang drug pusher sa Tondo, Maynila ilang oras matapos pumasok ang Bagong Taon. 

Ayon sa pulisya, kinilala ng isang saksi si Renator Santiago, Jr. na pumatay umano sa pedicab driver at hinihinalang tulak-droga na si Ronaldo Ramos sa Velasquez Street, Barangay Herbosa pasado hatinggabi. 

"Mayroon kaming witness na nagsabi na s'ya nga 'yung [pumatay]. Kasama niya mag-shabu," ani Senior Inspector Edwin Fuggan, imbestigador ng kaso. 

Nag-ugat anya ang alitan ng dalawa dahil sa onsehan sa transaksyon ng droga. 

Dagdag ni Fuggan, nakipaghabulan at barilan si Santiago sa mga humahabol na pulis sa eskinita malapit sa kanyang bahay, dahilan para sumiklab ang engkwentro. 

Apat na putok ng baril ang narinig ng pamilya ni Santiago na agad binawian ng buhay dahil sa mga tinamong tama. 

Nabatid namang kasama sa drugs watchlist si Santiago at dati nang nakulong dahil sa bawal na gamot. 

Kwento ng kanyang ama, mahigit limang taon nang nagtutulak at gumagamit ng droga ang anak. Minsan na rin niya itong sinabihang sumama sa Oplan Tokhang, pero nagmatigas ito. 

"Sinasabihan ko pana-panahon yan. Sinabihan ko tumigil ka na," sabi ni Renato Santiago, Sr. 

Tanggap na anya niya ang nangyari sa anak kaysa sa patuloy itong gumawa ng masama.