Task force binuo kasunod ng pagdukot sa 7 Indonesian

ABS-CBN News

Posted at Jun 28 2016 12:46 PM

MANILA - Kasunod ng pagdukot ng Abu Sayyaf sa pitong Indonesian national, bumuo ng bagong "Joint Task Force Tawi-tawi" ang mga awtoridad para guwardiyahan ang katubigan patungong Indonesia at Malaysia.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Major Filemon Tan Jr., tagapagsalita ng Western Mindanao Command (Wesmincom), na mahigpit na nilang tinututukan ang seguridad sa lugar bago pa man ang pinakahuling pagbihag.

Gayunman, aminado si Tan na may limitasyon ang kanilang hanay pagdating sa logistics at equipment.

"Kung maido-drawing lang po sa chart at maipapakita sa ating mga taga-panood kung papaano po natin mina-maximize ang mga asset ng Navy ay talaga ini-commit na natin kung anong pwersa ang mayroon tayo. Iyun nga lang, sa laki ng area, talagang hindi po nating mako-cover ang lahat," sabi niya.

Sa kabila nito, tiniyak ni Tan na ginagawa nila ang lahat upang matunton ang bandidong grupo. "Our forces on the ground are doing its very best. Alam naman po natin ang ating commitment, nagkakataon lang po na mayroong mga limitation."

Una nang kinumpirma ng Wesmincom nitong Lunes na dinukot ng Abu Sayyaf ang pitong Indonesia national habang naglalayag sila papuntang Cagayan de Oro.

Humihingi ang mga suspek ng RM20 milyon or tinatayang P230 milyon para sa kalayaan ng mga bihag.

Kumpiyansa naman ang papasok na administrasyon ni President-elect Rodrigo Duterte na masusugpo nila ang terorismo sa Mindanao sa pamamagitan ng opensibang militar at pagpapabuti ng kabuhayan ng mga residente.