Hamon ni Duterte: Come to Davao, do drugs, I will execute you

ABS-CBN News

Posted at May 22 2015 04:11 PM | Updated as of Nov 08 2016 06:04 PM

DAVAO – Hinamon ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang grupong Human Rights Watch (HRW) na pumunta sa Davao para maunawaan umano nila ang paraan niya ng pagbibigay ng hustisya.

Ito’y matapos na irekomenda ng nasabing grupo ang imbestigasyon kay Duterte ukol sa mga naganap na extra-judicial killings sa Davao.

Ayon sa press release ng grupong mula sa Estados Unidos, may dokumento sila na nagpapatunay na may grupong tinatawag na Davao Death Squad. Anila, may alam si Duterte ukol sa grupong ito.

Ang Davao Death Squad ang pinaniniwalaan ng HRW na responsable sa summary killings sa Davao City ilang taon na ang nakakaraan.

Sa isang text message, sinabi ni Duterte, “To all the bleeding hearts of US-based crime watch: you want a taste of justice,my style?Come to Davao City, Philippines, and do drugs in my city. I will execute you in public.”

Duterte added, “And finally, I offer no excuses nor do I apologize. so be it."

Kamakailan lang, nakatanggap ng Presidential Award ang Davao para sa pagiging isang child-friendly city.

Napili din ang Davao ng numbeo.com na pang-siyam na syudad sa buong mundo na pinakaligtas na tirahan.

Ayon naman sa mga tagasuporta ni Duterte, biglang nabuhay ang isyu laban sa alkalde dahil marami ang humihikayat sa kanya na tumakbo bilang presidente ng Pilipinas sa 2016.

Naniniwala ang mga taga-suporta na pawang paninira lamang ang lahat na ito.—ulat ni Paul Palacio, ABS-CBN News Southern Mindanao