Inang na-stroke at namatayan ng 2 anak, nangangailangan ng tulong

Jessa Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at May 19 2016 12:13 AM | Updated as of May 20 2016 10:00 PM

Inang na-stroke at namatayan ng 2 anak, nangangailangan ng tulong 1

CAMARINES SUR - Isang inang na-stroke ang nangangailangan ng tulong matapos mamatayan ng sanggol at nagahasa ang isa pa niyang anak.

Kwento ni Catherine Lima na taga-Barangay Lugsad, Calabanga sa Camarines Sur, natagpuan niyang wala nang buhay at nakabalot sa puting kumot ang kanyang limang buwan na sanggol sa kanyang kinakasamang si Marlon Estefanio.

Base sa post-mortem exam, gutom at malnutrisyon ang ikinamatay ng kanyang anak.

Samantala, agaw-buhay na ang isa pa niyang anak nang masagip ng mga social worker at mga miyembro ng Calabanga police.

Lumalabas sa medico-legal na puno ng sugat ang katawan ng bata, may paso rin ito sa bibig, bali ang kanang braso, at may fracture sa ulo.

Ayon sa pagsusuri, makailang-ulit din ginahasa ang bata, na binawian ng buhay sa Bicol Medical Center.

Ayon kay Lima, sa harap niya mismo ginahasa ni Estefanio ang kanyang anak. Dahil hirap makagalaw at magsalita matapos ma-stroke pagkapanganak sa kanyang bunsong anak, wala siyang nagawa para pigilan ang kanyang kinakasama.

Nailibing na ang dalawang bata noong Lunes, habang si Estefanio naman ay nasampahan na ng kasong rape with homicide at kasalukuyang nakakulong sa Tinangis Penal Farm.

Dahil sa mga nangyari, naiwang mag-isa sa buhay si Lima at walang mapuntahan. Hindi rin mahanap ang kanyang pamilya sa Nabua, Camarines Sur.

Sino mang nakakakilala kay Lima ay hinihikayat na makipag-ugnayan sa Calambanga Police na may numerong (054) 470 1988.