Dagta ng langka, gamit sa pagnanakaw sa ATM

ABS-CBN News

Posted at Oct 06 2014 10:11 AM | Updated as of Oct 07 2014 05:25 AM

MANILA – Nauwi sa kalaboso ang isang lalaki matapos mahuling gumagamit ng dagta ng langka sa pagnanakaw ng pera mula sa mga ATM.

Nahuli si Vivencio Cruel matapos makita sa sa isang surveillance footage ang kanyang modus operandi na paggamit ng dagta ng langka sa pagnanakaw ng pera mula sa mga ATM.

Ayon sa pulis, gumagamit si Cruel at isa pa nitong kasama, na kinilalang si Erwin Bantolome, ng dagta ng langka na siyang ipinapahid sa isang aluminum plate at itinatakip sa cash dispenser ng ATM.

Base sa imbestigasyon, nagagawang makuha ng mga suspek ang pera matapos dumikit ito sa dagta ng lagka. Minsan umano'y iniiwan nila ang aluminum plate ng ilang araw bago ito kunin na mayroon nang nakadikit na malking halaga ng pera.

Naglunsad ang bangko at kapulisan ng imbestigasyon matapos makatanggap ng mga reklamo mual sa mga ATM depositors na nagsabing nababawasan ang pera sa kanilang mga accounts kahit na walang lumabas na pera mula sa ATM.

Sinabi ni Cruel, na isang dating family driver, na sa isang bangko lamang nila ginawa ang modus operandi, ngunit lumabas sa resulta ng isang tactical interrogation na maraming bangko na ang nabiktima nina Cruel at ng kanyang kasabwat na si Bantolome.

Kasalukuyang nakakulong ngayon si Cruel sa Marikina City Police Station.

Pinag-iingat naman ng pulis ang publiko sa ganitong modus operandi. Anila, dapat ay tawagin ang pansin ng security guard ng bangko kung may kahina-hinalang nangyari matapos nilang mag-withdraw ng pera o di kaya ay tumawag sa hotline ng bangko upang idulog ang nangyari. – report from Dennis Datu, dzMM