Ama ng 3 batang pinabayaan, gustong mabawi ang mga anak

Dominic Almelor, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2016 08:12 PM | Updated as of Jun 25 2016 10:45 AM

QUEZON CITY -- Lumutang na ang ama ng tatlong magkakapatid na kinandado sa loob ng kanilang bahay ng tatlong araw sa Quezon City.

READ: Magkakapatid na kinandado at iniwan, nailigtas sa Quezon City 

Walang tigil sa kakahagulgol si Jose Medina, ama ng mga bata, na ipinaliwanag kung bakit kinandado ang magkakapatid sa kanilang bahay.

Paliwanag ni Medina, umalis siya ng bahay para maghanap ng trabaho. Ngunit hindi aniya nito alam na iiwan ng misis ang mga anak na mag-isa sa bahay.

May ilang beses ding nagtangka ni Medina na pasukin ang kanilang tahanan pero hinarang ito ng kapitbahay.

Nagmamakaawa si Medina na mabawi ang mga anak lalo't tumatanda na siya.

Ngunit nanindigan ang social service department ng Quezon City na kakasuhan ang mag-asawa.

Samantala, irerekomenda rin na sumailalim sa drug test si Medina matapos madiskubre sa bahay nito ang ilang drug paraphernalia.

Matatandaang napag-alamang walang kain ang tatlong batang 3-anyos, 1-anyos, at 8-buwan.

Isinugod ang magkakapatid sa ospital kung saan nalamang malnourished, dehydrated, at may sakit sa balat ang mga paslit.

Kwento ng kanilang kapitbahay, sinasaktan pa umano ang mga bata ng kanilang magulang.