20 nakatira sa bangka sa Maynila, iniligtas

ABS-CBN News

Posted at Jun 21 2016 03:00 PM

Nailigtas ang may 20 indibidwal na naninirahan sa mga bangka sa Manila Bay sa Roxas Boulevard, Martes.

Kabilang sa nailigtas ng Manila Department of Social Welfare Office, Manila Police, Metro Manila Development Authority (MMDA) at Philippine Coast Guard (PCG) ang limang batang babae at isang batang lalaki.

Ayon kay Lindsay Javier, team leader ng Rescue District 5 ng Manila SWO, may natanggap silang impormasyon na ibinubugaw ang mga batang babae sa mga turista sa mga nakadaong na yate habang ang ibang mga bangkero ay nagsisilbing courier ng droga.

May mga tumalon sa dagat para makatakas sa operasyon ng mga awtoridad pero nahuli rin sila ng mga tauhan ng PCG.

Kinumpiska ng mga awtoridad ang mga bangkang ginagawang tirahan na.

Kinuha rin ng Veterinary Inspection Board ang mga alaga nilang aso.

Galing ang mga pamilya sa Cavite at Pasay City at dadalhin sa Manila Reception Center para tulungan. -- Dennis Datu, DZMM