PAGASA: Bagyo, inaasahang papasok sa PAR

ABS-CBN News

Posted at Jun 24 2016 11:25 AM

Isang bagyo ang inaasahang pumasok sa Philippine area of responsibility (PAR) sa loob ng 24 oras ayon sa state weather bureau PAGASA.

Sa panayam ng DZMM kay PAGASA weather forecaster Jun Galang, sinabi nito na nasa labas pa ng bansa ang Low Pressure Area (LPA) na posibleng maging bagyo.

Sa taya ng PAGASA, alas-10 Biyernes ng umaga, nasa layong 1,620 kilometro silangan ng Mindanao ang LPA.

Ani Galang, malaki ang posibilidad na maging ganap na bagyo ang binabantayang LPA. Kung sakali, ito ang unang bagyong papasok sa bansa at papangalanang Ambo.

Samantala, isa pang low pressure area sa layong 435 kilometro kanluran ng Iba, Zambales ang binabantayan ng PAGASA.