ALAMIN: Ano ang nagdudulot ng diabetes?

Neima Chowdhury

Posted at May 21 2016 08:03 AM

MANILA – Sa bilis ng takbo ng buhay at sa dami ng kailangang gawin sa araw-araw, madalas nang nakakaligtaan na alagaan ang katawan sa pamamagitan ng pag-eehersisyo at pagkain nang tama. Maaari itong magdulot ng lifestyle diseases, partikular na ang diabetes.

Sa panayam ng DZMM sa isang family medicine specialist na si Dra. Ma. Victoria Pilares-Cruz, pinaliwanag niya na ang diabetes ay problema sa lapay o pancreas na nakukuha sa hindi magandang pamumuhay.

"Ang diabetes ay isa sa mga tinatawag nating lifestyle diseases. Dahil sa pamumuhay natin, pagkain, kawalan ng ehersisyo. 'Yun 'yung mga reason bakit nagkakaroon ng lifestyle diseases tulad ng diabetes, hypertension," paliwanag ni Pilares-Cruz.

Mayroon ding dalawang uri ng diabetes, ang type 1 na madalas makita sa mga bata at type 2 na karaniwan naman sa matatanda.

Ayon kay Pilares-Cruz, mayroong antibodies sa katawan na sumisira sa cells ng lapay na nagreresulta sa type 1 diabetes.

Samantala, sa ikalawang uri ng diabetes, hindi nakakagawa ng sapat na insulin ang katawan.

"Either hindi nakakapag-produce ng enough insulin ang lapay lalo na sa mga type 2 diabetes pero sa mga type 1 diabetes, usually meron kasing antibodies mismo sa body natin na sinisira niya 'yung mga cells nung pancreas na supposedly nagpo-produce ng insulin," ani Pilares-Cruz.

Bukod sa kakulangan sa pag-eehersisyo at hindi pagkain nang tama, ang genetic factor ay tinuturo ring dahilan ng pagkakaroon ng diabetes.

"Genetic factors, kaya nga ang mga pamilya, kung meron ka sa pamilya na may diabetes, kailangan din medyo babantayan 'yan ng ibang myembro ng pamilya kasi malaki din ang risk na mag-develop sila ng diabetes," ayon kay Pilares-Cruz.

Karaniwan aniyang sintomas ng diabetes ang tatlong P: polydipsia o labis na pagka-uhaw, polyuria o madalas na pag-ihi, at polyphagia o sobrang pagkagutom.

Maari rin aniyang maging sintomas ng diabetes ang panghihina.

Paliwanag ni Pilares-Cruz, nakakaramdam ng panghihina dahil "marami kang asukal pero hindi nagagamit ng katawan mo kasi may problema nga 'yung lapay na supposedly nagpo-produce ng insulin para magamit mo 'yung sugar na kinakain mo into energy that you will use for every day."

Ngunit, nagbabala rin si Pilares-Cruz na may diabetes na asymptomatic o walang nakikitang sintomas.

Dahil dito, inirekomenda aniya ng Philippine Society of Endocrinology and Metabolism na magkaroon ng screening kung may diabetes pagsapit ng 40 taon.

Payo ni Pilarez-Cruz, kumain ng tama at mag-ehersisyo lagi upang maiwasan ang diabetes.

Ang tama aniyang pagkain ay binubuo ng kalahating plato ng fiber tulad ng gulay, 1/4 na protein, at 1/4 na carbohydrates. Makabubuti rin na iwasan ang mga pagkaing may high glycemic index at matatamis tulad ng tsokolate.

Dapat din na magkaroon ng 150 minutong ehersisyo bawat linggo o 30 minuto kada araw. Maaari rin na hatiin ang 30 minuto sa iba't ibang parte ng isang araw.