ALAMIN: Mga sakit sa balat na dala ng tag-init

ABS-CBN News

Posted at Mar 14 2016 04:08 PM

Karen Flores, ABS-CBN News

Summer na!

Bukod sa pag-igting ng init na mararanasan, mayroon ding ilang sakit sa balat na maaaring makuha ngayong tag-init.

Ayon kay Dr. Grace Beltran, dermatologist sa St. Luke's Medical Center, karaniwan ngayon ang pagkakaroon ng impeksyon sa balat.

Paliwanag ng doktora, dahil mainit, mas lalong nagpapawis ang isang indibidwal. Ang pagpapawis na ito ay maaaring mauwi sa bungang-araw. Maaaring lumalala ito at maging pigsa kapag kinamot.

Gayunpaman, ani Dra. Beltran, madali lamang gamutin ang mga kondisyong ito.

Ilan pa sa mga posibleng makuha dahil sa init ay ang fungal infections tulad ng hadhad, buni, at an-an.

Maaari ding makakuha ng molluscum contagiosum o mga "butlig na may puting laman na parang bigas."

Tulad ng bulutong o chicken pox, lubhang nakahahawa aniya ang kondisyong ito.

Para naman maiwasan ang mga ito, payo ng doktora na ugaliin ang paliligo dahil sa pawis dumidikit ang mga mikrobyo.

Sakaling pawisin, maaari aniyang maligo nang hanggang dalawang beses sa isang araw.

Tiyakin lamang na mild soap at may moisturizer ang sabong gagamitin upang hindi matuyo ang balat.

Para sa mga bata, dapat din aniyang hypoallergenic at non-perfume ang gagamiting sabon.

Samantala, maaari lamang aniyang gumamit ng pulbos o talc powder ang mga walang bungang araw.

Nagbabala rin ito sa patong-patong na paglalagay ng pulbos.

Para sa mga madalas mababad sa araw, payo ng doktora na gumamit ng sunblock.

Mas dapat aniyang gumamit nito ang mga mapuputi at ang mga sensitibo ang balat.

Ligtas din umano ito kahit sa mga bata.

Kung gagamitin ang sunblock sa katawan, payo ng doktora na gumamit ng produktong may SPF 50 o mas mataas.

Sa mukha naman sapat na ang sunblock, may SPF 30 hanggang 50.

Para sa mga lalangoy, ani Dra. Beltran, dapat ilagay ang sunblock 30 minuto bago maligo o lumusong sa tubig.

Ito ay dahil " water in itself prevents the sunblock from getting attached to the skin."

Dapat din aniyang magpahid muli isa o dalawang oras matapos ang unang aplikasyon.