ALAMIN: Mga malas, masuwerteng direksiyon para sa 2020

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2019 01:51 PM

Handa na ba ang iyong bahay o opisina sa Year of Metal Rat?

Pagdating kasi sa feng shui, o iyong tradisyon mula China, maaaring makaakit ng suwerte ang isang tao depende sa pagkakaayos ng kaniyang bahay o opisina.

Ibinahagi ng feng shui expert na si Hanz Cua ang mga masuwerte at malas na direksiyon para sa 2020.

MALAS

• EAST

Ayon kay Cua, ang pinakamalas na direksiyon ay nasa east sector, kung saan niya matatagpuan ang "five yellow misfortune star."

Dala aniya ng naturang star ang mga problema sa karera, buhay may-asawa o pag-ibig, kalusugan, at negosyo.

"Problems sa career, career loss, loss in marriage or love, health [and] illness that would cause death. Possible also ang conflict, problem or bloodshed. Sa business, puwedeng ma-bankrupt," aniya.

Ipinayo ni Cua na huwag gamitin ang east sector. Maaari lamang daw itong gamitin bilang storage.

Puwede ring lagyan ang east sector ng bahay o opisina ng latang may laman na 5 pirasong bato.

"Mga batong napupulot sa kalsada, any kind of stones, lalagay mo sa loob ng lata," paliwanag niya.

• SOUTH

Para sa susunod na taon, matatagpuan naman sa south sector ang illness star.

Maaari umanong magdulot ang illness star ng kamalasan sa kalusugan gaya ng miscarriage o makunan ang buntis, paghina ng resistensiya, at pati aksidente.

Kapag sakitin, ipinayo ni Cua na huwag ilagay ang headboard ng kama sa south direction.

Bilang pangontra sa malas, puwede raw maglagay ng isang basong asin sa south direction, na papalitan kada buwan.

• CENTER

Sa gitnang bahagi naman ng bahay o opisina mahahanap ang violent star na may kinalaman sa "theft, robbery, cheating or betrayal," ayon kay Cua.

"Iwasan natin magkaroon ng activities o maingay sa gitna ng bahay natin," anang eksperto.

Puwede umanong maglagay ng kulay blue na gamit gaya ng rug o mat, o isang basong tubig para makontra ang violent star.

• NORTH

Malas din sa susunod na taon ang north direction, na maaaring magdulot ng quarrel o pag-aaway sa pagitan ng mga tao, ani Cua.

Bilang pangontra, puwedeng lagyan ang north sector ng mga pulang gamit gaya ng mat at bright light.

SUWERTE

• SOUTHEAST

Isa sa mga masuwerteng direksiyon sa 2020 ang southeast dahil naroon umano ang heaven's blessing star.

"Gusto mo ba manalo ng lotto? Gusto mong gumanda ang business? Blessing sa career o blessing sa heaven, ito ay located sa southeast sector," ani Cua.

Ipinayo rin ni Cua ang pagdasal nang nakaharap sa southeast sector.

• SOUTHWEST

Sa mga naghahanap ng suwerte sa pag-ibig, mahahanap ito sa southwest sector, ayon kay Cua.

Mainam umanong kapag nakikipag-date ay humarap sa southwest.

Makatutulong din ang southwest para ayusin ang mga problema sa relasyon.

Bukod sa pag-ibig, nasa southwest din, ani Cua, ang star na nagbibigay ng suwerte sa pag-aaral at sa mga pagsusulit.

• WEST

Sa west naman mahahanap ang star na nagbibigay ng "long-term" o pangmatagalang suwerte.

Puwedeng maglagay ng "music activity" o mga bakal na gamit sa west direction para lumakas ang pag-akit sa suwerte.

• NORTHEAST

Sa northeast direction naman matatagpuan ang victory o success star.

Ipinayo ni Cua ang paglalagay ng "fire colors" gaya ng red, yellow, at orange para palakasin ang pag-akit ng suwerte sa northeast.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.