ALAMIN: Mga alternatibo sa paputok para sa pagsalubong sa Bagong Taon

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2019 04:11 PM | Updated as of Dec 31 2019 08:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Sanay na ang maraming Pilipino sa maingay na mga paputok tuwing sasalubong ng Bagong Taon, na pinaniniwalaang nagtataboy sa mga malas mula sa iiwanang taon.

Subalit may mga tulad ni Victoria Galiardo na takot sa paputok kaya idinadaan na lang sa pasabog sa videoke para makapag-ingay.

Ayon kay Galiardo, hindi raw niya pinapayagan ang mga anak niyang magpaputok dahil baka raw madisgrasiya pa ang mga ito at maputulan ng mga kamay.

"Mas maganda mag-videoke na lang kami sa loob ng bahay o kaya sa labas," aniya.

Gaya ni Galiardo, bibirit din si Ricardo Ricaplaza hanggang magpalit ng taon dahil mas ligtas aniya ito.

"Kapag naputukan, baka maputol 'yong kamay," ani Ricaplaza.

Ayon sa feng shui expert na si Hanz Cua, nakaugalian na talaga ng mga Pilipino ang magpaingay sa salubong sa pag-asam na magiging mas maswerte ang bagong taon.

"Pang-cleansing po 'yan ng mga negative sa bahay, mga misfortune," ani Cua.

Ayon kay Cua, ginagawa dapat ang pag-iingay sa mga bahagi ng bahay na hindi masyadong natatauhan.

"Sa ilalim ng hagdan, CR, storage o lugar na di napupuntahan lagi," aniya.

Para rin kay Cua, tama na mag-videoke lang imbes na magpaputok o kaya naman ay iba pang alternatibong paraan ng pag-iingay.

Bukod sa videoke, ilan pang alternatibo ang pagpapatugtog nang malakas sa radyo at telebisyon, pagkalembang ng mga kaldero, torotot, pagbusina ng mga sasakyan, at pagkalansing ng mga barya sa mga garapon. -- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.