PatrolPH

ALAMIN: Paano mag-donate ng stuffed toys, plushie para sa Odette victims?

Josiah Antonio, ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2021 10:07 PM

MAYNILA — Isang grupo ang nangangalap ng mga stuffed toy para sa mga batang apektado ng Bagyong Odette.

Ayon kay Mon Corpuz, program director ng naturang programa, layon ng proyektong 1000Bearhugs sa ilalim ng grupong Black Pencil na makatulong sa pinagdadaanan ng mga kabataan at maibsan ang bigat ng kanilang nararamdaman.

“Ayon sa mga eksperto, mainam na kayakap ng mga bata ang malalambot na laruang stuffed toy sa tuwing nakakaramdam ng takot at pagaalala. Napag-alaman din natin na sa mga relief operations, bibihira ang mga organisasyong gumagawa ng psychosocial support,” ani Corpuz.

“Bagama’t hindi ito pangunahing pangangailangan gaya ng bigas at pagkain, mahalaga ito sa muling pagbangon ng mga nasalantang pamilya - ang makitang nakakapaglaro muli ang mga bata sa kabila ng dagok ng trahedya,” dagdag pa niya.

Nagsimula ang naturang inisyatiba noong 2011 nang manalasa ang Bagyong Sendong.

“Magmula noon, sa tuwing may matitinding kalamidad at giyera, inilunsad ang kakaibang toy drive na ito na pinangunahan ng mga bata sa Luzon lalo na sa panahon ng ka-Paskuhan.”

Sa mga nais mag-donate, maaaring magtungo sa mga drop off point na nakalagay rito, hanggang Disyembre 31:

Guide para sa mga ibibigay na teddy bear, stuffed toy o plushie:

*hanggang 24 inches
*maaaring brand new o pre-owned
*dapat ito ay malinis o nasa mabuting kundisyon
*sulatan ito ng note o mensahe

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.