Helicopter tour sa Taal Volcano patok sa mga turista

ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2019 05:40 PM

Parte ang helicopter tour ng tour program na inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Batangas at isang hotel. Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Patok sa mga turista sa Batangas ang helicopter tour na papalibot sa tanyag na Taal Volcano. 

Bahagi ito ng inilunsad na programa ng Batangas Provincial Tourism Office at isang hotel sa lugar. 

Bahagi ang "heli-tour" ng tour package na naglalaman ng land tour at lake cruises, ayon kay First Asia Ventures Capital Inc. vice president Joanna Veronica Ortiz. 

"Mahirap magplano kapag overnight stay. Why not day trip in Batangas tapos lahat kasama na -- may sky adventure, may land tour at saka may lake cruises," ani Ortiz. 

May 15 minutong lake cruise papunta sa Lake Point Manakah na nasa bayan ng Mataasnakahoy. 

May mga kubo roon kung saan maaaring mag-picnic at magpahinga. 

Tanaw din dito ang Taal Lake. 

May water activities din tulad ng kayaking at paddle boarding. 

Tampok naman sa land tour ang Marian Orchard sa Balete, Batangas. 

Nasa 3,000 pilgrims ang pumapasyal dito taon-taon. 

Atraksiyon din ang Dome of Mary Mediatrix at mga kapilya at harding napapalibutan ng makukulay na bougainvillea. 

"Marami doon makikita like the 14 stations of the cross, meron dun rosarium, we have a giant rosary there, and of course the chimes of Mary. Eye-catching dun 'yung Angel’s Gate," ani Hapi Maligaya ng Lima Park Hotel. 

Matapos nito, paiikutin nang 15 minuto sa ibabaw ng Taal Volcano ang mga turista gamit ang helicopter sa isang sky adventure. 

Nasa P3,000 hanggang P10,000 ang tour package. 

Gagamitin ang mga perang malilikom sa pagtatayo ng botanical park sa Balete, ayon sa mga organizer. -- Ulat ni Jonathan Magistrado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.