Swimsuit designer namigay ng laruan sa daan-daang bata

ABS-CBN News

Posted at Dec 27 2018 10:03 PM | Updated as of Jul 15 2019 12:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Ang laruan ay paraan para makapagbigay-saya sa mga bata. 

Ito ang pananaw ng swimsuit designer na si Domz Ramos na namahagi ng mga laruan sa daan-daang bata sa Lipa, Batangas. 

Gabi pa lang, puspusan ang paghahanda nina Ramos at ng kaniyang pamilya sa pag-aayos ng mga laruan para sa proyektong "Ma Barbie Doll ang Pasko" toy caravan na tatlong taon na nilang ginagawa. 

Tampok sa proyektong ito ang pamimigay niya ng libo-libong manika para sa mga kapos na bata. 

Para kay Ramos, ang makitang nakangiti ang mga bata ang nagtulak sa kaniyang ipatuloy ang proyekto. 

"Ang Barbie, hindi siya laruan, more on kaibigan ng bawat bata na binibigyan namin kasi talagang napapasaya niya bawat bata," aniya. 

Ani Ramos, kinausap niya ang kaniyang mga kaibigan kung maaaring mag-organisa ng gift-giving caravan sa halip na gumala nang gumala. 

Sa mismong programa, binigyan ng libreng gupit at pa-lugaw ang mga bata handog ng lesbian, gay, bisexual, and transgender (LGBT) community ng Lipa. 

Nagpalaro din sila sa mga kabataan, kung saan tampok ang isang fashion showdown, kung saan binibigyan ng dagdag-cash prize ang mga malalakas ang loob na rumampa. 

Layon nilang magpamahagi ng 5,000 laruan sa mga bata sa mga liblib na bahagi ng Cavite, Taguig, Laguna, Maynila, Ilocos, at Batangas. 

-- Ulat ni Gretchen Ho, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.