Paalala: Pagmamaneho nang lasing labag sa batas

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2019 02:33 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - May plano ka bang uminom ngayong Noche Buena? Alalahanin na bawal ang drunk driving. 

Nagbabala ang abogadong si Noel Del Prado na may kalalagyan sa batas ang mga magmamaneho nang lasing. 

Alinsunod ito sa Republic Act 10586, na pinaparusahan ang mga taong lango sa alak at droga habang nagmamaneho. 

"Iisa lamang ang tinatawag na punishable act dito: ang pag-o-operate ng isang motorized vehicle ng under the influence na ikaw ay nakainom, o nakakuha ng droga at iba pang substances na nakakaapekto sa kakahayan mong magmaneho nang ligtas at maayos," ani Del Prado sa "Usapang de Campanilla." 

Ginawa ang batas para matiyak na ligtas ang mga nagmamaneho, mga pasahero, at mga pedestrian. 

Kapag pinaghihinalaang nakainom ang isang nagmamaneho, dapat itong sumailalim sa breath analyzer para makita kung ano ang antas ng alcohol na nakonsumo ng drayber. 

Kapag nahuli at walang nasaktan habang nagmamaneho, maaaring makulong ng tatlong buwan at multahan ng nasa pagitan ng P20,000 at P80,000 ang isang drayber na lasing habang nagmamaneho. 

Kung nagdulot naman ito ng pinsala sa ibang tao, posibleng kasuhan ng serious physical injuries ang suspek, at maparusahan ng P100,000 hanggang P200,000 multa. 

Kung may napatay, maaaring kasuhan ng homicide ang suspek, at patawan ng P300,000 hanggang P500,000 na multa. 

Maaari ring kumpiskahin at suspendehin ng isang taon ang lisensiya ng lumabag kapag nonprofessional license-holder ito. 

Habambuhay namang hindi na mabibigyan ng lisensiya ang professional license-holder. 

Dahil dito, nanawagan si Del Prado na maging maingat sa pagbiyahe. 

"Paalala natin na sa ganitong panahon na puro kasiyahan ay huwag sanang mauwi sa sakuna o trahedya dahil alam naman po natin na limitado ang ating kakayahan kung tayo ay nakakainom," ani Del Prado. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.