Bakit dumarami ang mga may sakit sa puso kapag holiday season?

ABS-CBN News

Posted at Dec 24 2019 04:08 PM

 

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Puspusan ang paalala ng mga doktor ngayong Pasko sa mga sasabak sa mga handaan sa holiday season lalo't dumarami anila ang mga nagkakaroon ng sakit sa puso sa panahong ito.

May bahagi ng kulturang Pinoy sa likod ng pagdami ng nagkakaroon ng sakit sa puso ngayong Pasko, ayon sa cardiologist na si Jeffrey De Jesus.

"Ang time ng Pasko, lalo na sa ating Pilipino napakahaba ng panahon ng pag-prepare sa Pasko," ani De Jesus sa programang "Good Vibes" ngayong Martes.

Kasama na riyan ang mag hinahandang pagkain.

"Ngayon 'yung mga pagkaing hinahanda hindi 'yun 'yung pangkaraniwang hinahanda kapag kainan," ani De Jesus.

Kaakibat din nito ang mga hinahandang party at regalo para sa mga mahal sa buhay - na nagdudulot ng matinding stress na maaaring makaapekto sa katawan.

"'Yung paghanda pagdating ng mga kamag-anak, gift, regalo, at [pag-uwi] ng mga galing sa ibang bansa nakaka-stress po iyan," ani De Jesus.

Alinsunod kasi aniya sa pag-aaral, mas tumataas ang insidente na may kinalaman sa sakit ng puso kapag bisperas ng Pasko.

Dahil dito, nagpaalala si De Jesus na maghinay-hinay lamang sa paghahanda, sa pagkain, at sa pag-inom ng alkohol.

"Puwede naman nila tikman ang mga nasa hapag nila eh. Huwag lang kainin ang lahat. dahan-dahan sa pagkain lalo na kung may kasamang alkohol 'yan dapat iwasan nila 'yung masyadong pag-inom doon," ani De Jesus.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.