Video courtesy: Bayan Patroller Kirby Guirhem Majaque
MANILA — Bilang pagbibigay-pugay kay Jesu-Kristo ngayong Pasko, ibinida ng isang pintor sa Iloilo City ang kaniyang obrang tampok ang Holy Family.
Sa kaniyang social media post kamakailan, ibinahagi ni Bayan Patroller Kirby Guirhem Majaque ang mga ginawa niyang larawan nina Jesus, Maria, at Jose.
Ani Majaque, ginawa niya ang mga obrang ito dahil para sa kaniya, nakapaglingkod na siya sa Panginoon sa pamamagitan nito.
Dagdag pa niya, ngayong taon lang siya nagsimulang gumawa ng ganitong klaseng mga obrang binansagang "Invented 3-Dimensional Perspective Art."
Inspirasyon daw niya sa mga obrang ito ang mga dating laruan niyang may mga maliliit na imahe na kapag ginalaw ay nag-iiba ang makikitang larawan.
Kuwento pa ni Majaque, nakadepende sa laki ng painting ang oras na ginugugol niya sa paggawa.
Hindi bababa sa 15 araw ang pagbuo ng painting ng Holy Family na 2 feet by 2 feet ang laki.
Kinakailangan aniya ng mahabang pasensya sa pagpipinta ng ganitong obra dahil 3 imahe ang kailangang ipinta. Puwede kasing maapektuhan ang hitsura ng ibang imahe sa kaunting pagkakamali lang.
Hindi rin daw naging madali ang pagbuo niya ng ganitong klaseng obra. Aniya, ilang beses na siyang nagkamali at nabigong magawa ito.
Ngunit hindi naging hadlang ang kabiguan para matapos ni Majaque ang kaniyang obra.
Payo niya sa mga kapiwa niya pintor, hindi dapat sumuko sa pagpipinta kahit na ilang beses mabigo.
— Mikhaella B. Navarro, Bayan Mo, iPatrol Mo