Courtesy of Bayan Patroller Dave Jherico Raza
MANILA — Kinagiliwan ng mga netizen ang isang barbero sa Surigao del Sur matapos itong mag-alok ng libreng gupit bilang pagdiriwang sa pagpasa ng asawa niya sa Licensure Examination for Teachers (LET) kamakailan.
Halos 40 sa mga kabarangay ng 44-anyos na si Rico Raza sa bayan ng Lianga ang agad nagpagupit sa kaniya nitong nakaraang Sabado, Disyembre 17.
Ani Raza, nag-alok siya ng libreng gupit upang ipakita ang kasiyahan niya ngayong lisensyadong guro na ang kaniyang kabiyak na si Sasheen, 41 anyos.
Nag-alok din ang anak nilang si Bayan Patroller Dave Jherico Raza ng libreng sakay sa tricycle bilang pagdiriwang sa pagpasa ni Sasheen.
Si Dave Jherico ang nag-upload ng larawan ng kaniyang ama na viral na ngayon sa social media. Sa ngayon, may mahigit 48,000 reactions at 12,000 shares ang naturang post.
"Naisipan kong magbigay ng libreng gupit at libreng sakay kasi iyon ang paraan ko sa pasasalamat para makabawi naman ako sa aking mga kabarangay," sabi ni Raza.
"Sa asawa ko, maraming salamat sa iyo at ginalingan mo... Nakuha na natin ang pinakahihintay na tagumpay. Salamat Ma,mahal kita!" dagdag pa niya.
Pinasalamatan din naman ni Sasheen ang kaniyang mga kapamilya na hindi nagsawang sumuporta sa kaniya mula noong nag-aaral pa siya hanggang sa pagkuha niya ng LET.
"Masaya ako sa ginawa niya kasi bihira lang po ang makagawa ng ganiyan. Sa hirap maghanap ng pera sa panahon ngayon, pero ginawa niya talaga. Saludo ako sa asawa ko at proud ako at siya naging asawa ko," aniya.
Tatlong beses na hindi nakapasa si Sasheen sa LET. Ngunit, nagpatuloy siya sa pagpursige at pag-aaral hanggang sa maipasa na niya ito kamakailan.
Inspirasyon daw niya ang kaniyang pamilya.
Ayon naman kay Dave Jherico, proud siya sa kaniyang mga magulang dahil makikitang supportive sila sa isa't isa.
Labis din ang kaniyang pasasalamat sa ama dahil ito ang nagtaguyod sa pag-aaral nilang 3 magkakapatid at maging ng kanilang ina.
"Lahat ginawa nila para makaraos kami sa aming araw-araw na buhay. At nagpursige sila para sa kinabukasan naming magkakapatid. Sa katunayan nga, malapit na rin kaming makapagtapos. Si Ate, 4th year na. At ako naman ay 3rd year na Education student din. Kaya naman sobrang proud ako sa kanila kasi hindi nila kami pinababayaan," kuwento ng binata.
— Cielo Gonzales, Bayan Mo iPatrol Mo
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.