Libreng gupit at pagkain, handog ng barbero sa mga batang lansangan

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Dec 20 2018 02:27 PM

Isang barbero ang nagbibigay ng libreng gupit at pagkain sa mga batang lansangan sa Davao City.

DAVAO CITY -- Bitbit ang attaché case na naglalaman ng kaniyang mga kagamitan sa paggupit ng buhok, madalas libutin ng barberong si Terrence Zabala ang Freedom Park sa Poblacion district.

Pakay ni Zabala sa kaniyang paglilibot ang makahanap ng mga batang lansangan upang mabigyan ang mga ito ng libreng gupit at pagkain, na nakaugalian na niya simula pa noong Agosto.

Ayon kay Zabala, paraan niya ito para mamahagi ng biyaya dahil dati rin daw siyang batang lansangan na nalulong umano sa ilegal na droga at iba pang bisyo.

"Street children din kasi ako noon, pakawala kasi broken family kami. Naghiwalay ang aking mga magulang kaya hindi na ako naalagaan," sabi ni Zabala sa panayam ng ABS-CBN News.

"Alam ko ang pakiramdam na walang bahay, malamig, maraming lamok so ito 'yong way para mag-give back sa aking blessings."

Taong 2015 nang simulan ni Zabala, na tubong-Parang sa Maguindanao, na makipagsapalaran sa Davao City.

Nagtrabaho siya bilang barbero sa isang salon. Nang makaipon at nakabili ng sariling mga kagamitan sa paggupit, doon na sinimulan ni Zabala ang paggupit nang libre sa mga batang lansangan at iba pang mahihirap.

May mga pagkakataon ang mga batang lansangan pa ang lumalapit kay Zabala para magpagupit.

"Salamat at ginupitan ako nang libre. Natuwa ako," sabi ni John Mark Mangguyod, isa sa mga nagupitan ni Zabala.

Nasaksihan din ng street sweeper na si Jennifer Ato ang kawanggawa ni Zabala.

"Nakikita ko siya dito na nanggugupit sa mga tambay... tapos libre lang, siya pa ang namimigay ng pera," ani Ato.

"Nililigpit niya rin ang kalat tapos tinutulungan ko siya magwalis," aniya.

Ayon pa kay Zabala, hangad din niyang maiparating sa ibang kabataan na huwag mawalan ng pag-asa sa buhay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.