Catriona sandaling balik-Pinas; grand homecoming ikakasa pa lang

ABS-CBN News

Posted at Dec 19 2018 10:59 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pagkatapos ng ilang linggong aktibidad sa Bangkok, Thailand na nagtapos sa kaniyang pagsungkit sa Miss Universe crown, sa wakas ay nakabalik na si Catriona Gray sa Pilipinas nitong Miyerkoles. 

Sakay si Gray ng isang 10-seater private jet ni dating Ilocos Sur governor at negosyanteng si Chavit Singson. 

Isa sa mga pinasama sa loob ng eroplano si Dyan Castillejo ng ABS-CBN News at ibinahagi niya ang mga naganap sa tatlong oras na flight. 

Aniya, nagkaroon ng maliit na selebrasyon sa private jet kung saan naghain ng "Miss Universe menu" si Singson. Maliban sa champagne, mayroon ding cheese, caviar, gambas, lapu-lapu, salmon, pasta, at dessert.

Pagkatapos ng masayang toast, nagkaroon na rin ng briefing si Gray mula sa Miss Universe Organization (MUO) ukol sa kaniyang magiging responsibilidad. 

Paglapag ng Maynila, pinagkaguluhan na ang bagong Miss Universe. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa sa mga matiyagang nag-abang sa pagdating ni Gray ay ang mga batang tinutulungan niya sa Tondo, Maynila sa ilalim ng grupong Young Focus.

"Thank you so much for being here... Para sa iyo ito, Pilipinas. I'm also happy to see my Young Focus family," maikling pahayag ni Gray. 

Limitado ang mga tanong na puwedeng ibato kay Gray dahil ayon sa MUO, magsisimula pa lang ang kaniyang media tour sa New York sa Enero 7.

Paglilinaw din ng MUO, hindi pa ito ang opisyal na homecoming ni Gray, na pinaplantsa pa sa Pebrero 2019.

Kinumpirma naman ni Singson sa isang panayam sa DZMM na tutulak agad si Gray patungong New York sa Huwebes ng gabi at babalik na sa susunod na taon. 

'TEAM CATRIONA' BALIK-BANSA NA RIN

Samantala, nitong hapon din ay nakabalik na ng bansa ang team na binuo na Gray para tumulong sa kaniyang Miss Universe journey.
    
Ayon kay Jearson Demavivas na gumawa ng national costume ni Gray, "worth it" ang kanilang pagod at puyat.

"Actually, hindi ako natutuwa sa sarili ko. This is for the whole Philippines talaga... Every details talaga ng national costume powerful, meaningful, saka well-presented kaya worth it," ayon kay Demavivas.

Ang videographer naman ni Gray na si Jolo Luarca, umuwi ng bansa na walang boses dahil sa pagod at pressure. Siya ang nasa likod ng mga video ni Gray na shinoot sa iba't ibang lugar sa Pinas.

"Actually it's all her concepts, kami lang nag-execute, kami lang nag-deliver and kami lang gumawa ng kuwento," ani Luarca. 

Looking forward ang Team Catriona na muli nilang makakasama at maaayusan ang Miss Universe 2018.

—Ulat nina Dyan Castillejo at MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.