SILIPIN: Mga higanteng parol, bumida sa Pampanga

ABS-CBN News

Posted at Dec 18 2017 08:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagtagisan ang makukulay na higanteng parol sa taunang Giant Lantern Festival sa San Fernando, Pampanga noong Sabado.

Bumida ang libo-libong makukulay na ilaw na sinabayan ng masasayang tugtugin.

Nasa 20 talampakan ang taas ng bawat lantern na ginamitan ng 10,000 ilaw.

Sampung barangay ang lumahok sa paligsahan.

Ayon sa komiteng nangangasiwa ng paligsahan, nasa 30,000 turista ang dumalo ngayong taon.

Isa si Princess Supan sa mga taon-taong nanonood ng pista, kasama ang kaniyang mga kaibigan.

Tuwang-tuwa sila dahil mas nadama nila ang Pasko nang makita ang mga parol.

"Maganda po 'yong mga napanood namin. Masaya po, nag-enjoy po kami," ani Supan.

Tinanghal na kampeon ang Barangay Dolores sa pangunguna ng lantern maker na si Teddy Aguilar.

May tatak na sa kasaysayan ng paligsahan si Aguilar bilang kauna-unahang lantern maker na may four-peat o apat na sunod-sunod na pagkapanalo sa kompetisyon.

"Masayang-masaya dahil napatunayan ko na may four-peat pala," ani Aguilar. "Lalong pag-iigihan para maka-five-peat."

Nasungkit naman ng Barangay San Jose ang first place habang second place ang pambato ng Barangay Del Pilar. -- Ulat ni Gretchen Ho, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.