Catriona Gray kinoronahang Miss Universe 2018

ABS-CBN News

Posted at Dec 17 2018 11:28 AM | Updated as of Jan 04 2019 12:44 PM

Makalipas ang tatlong taon, isa na namang Pinay ang kinoronahang Miss Universe.

Hinirang na Miss Universe 2018 ang pambato ng Pilipinas na si Catriona Gray sa pageant finale na idinaos sa IMPACT Arena sa Bangkok, Thailand nitong umaga ng Lunes.

Nadaig ng 24 anyos na Filipino-Australian beauty ang 93 iba pang kandidata para makuha ang titulo.

Sa press conference matapos ang pageant, nagpasalamat si Gray sa lahat ng sumuporta sa kaniya. 

Inamin din ni Gray na nagkaroon ng mga pagkakataon sa pageant na nagduda siya sa kaniyang sarili at nakaramdam siya ng pressure.

"There were moments of doubt where I felt overwhelmed, where I felt the pressure because of course, so much is expected of a Philippine representative," sabi ni Gray.

"But I would always look to the supporters, to my family, to my team, and there I would source my inspiration and strength. That's why I just wanna say thank you," dagdag niya. 

Sa panayam naman ng ABS-CBN News, ibinahagi ni Gray na nais niyang ipagpatuloy ang kaniyang mga advocacy na edukasyon para sa mga kabataan, lalo iyong mula sa mga mahihirap na lugar, at pagpapakalat ng kamalayan ukol sa human immunodeficiency virus (HIV) at acquired immune deficiency syndrome (AIDS). 

"I work as a spokesperson for Love Yourself Philippines, which is an HIV/AIDS organization so I would love to further that platform to other countries outside of the Philippines, and really just raise awareness and get people to get tested," sabi ni Gray.

"Of course to pioneer also education for the youth and impoverished areas... If I could just speak on that, sana speak to some leaders about it too, to expose myself to more NGOs (non-governmental organizations), perhaps bring some of what's being effective in other countries back to the Philippines to be implemented, that would be wonderful," dagdag ni Gray.

Ito ang ikaapat na beses na Filipina ang nag-uwi ng korona kasunod nina Pia Wurtzbach noong 2015, Margie Moran noong 1973, at Gloria Diaz noong 1969.

Second runner-up si Miss Venezuela Sthefany Gutierrez at first runner-up naman si Miss South Africa Tamaryn Green.

PINAKAMAHALAGANG ARAL SA PAGEANT

Sa huling bahagi ng pageant, tinanong ang tatlong natirang kandidata kung ano ang pinakamahalagang aral na natutunan nila sa buhay, at kung paano nila ito magagamit sa Miss Univese. 

Sinagot ni Gray: "I work a lot in the slums of Tondo, Manila and the life there is... it's poor and very sad. And I've always taught myself to look for the beauty in it, to look for beauty in the faces of the children and to be grateful. And I would bring this aspect as a Miss Universe, to see situations with a silver lining, and to assess where I could give something, where I could provide something as a spokesperson."

"If I could teach also people to be grateful, we could have an amazing world where negativity could not grow and foster, and children would have a smile on their faces. Thank you," sabi ni Gray.

Sa question-and-answer portion, tinanong si Gray kung sang-ayon ba siyang gawing legal ang marijuana.

Sinagot ni Gray na payag siya rito basta gagamitin lang sa medikal na paraan ang marijuana at hindi sa "recreational use."

Para naman sa evening gown competition, ibinida ni Gray ang isang kasuotang gawa ng Kapampangan designer na si Mak Tumang, na hango sa Mount Mayon mula sa kaniyang hometown na Albay sa Bicol.​

Nagkaroon din ng special moment sa finale pageant si Miss Spain Angela Ponce, ang unang transgender na nakasali sa Miss Universe.

Bago pa man ang pageant finale, isa na si Gray sa mga paboritong kandidata sa pageant, lalo noong preliminary round kung saan ipinamalas niya ang kaniyang "slow-mo" twirl sa swimsuit competition.​

Magugunitang ibinida rin ni Gray sa kaniyang national costume ang makulay na kultura ng Pilipinas -- isang parol na backpiece na kumakatawan sa Luzon, isang bodysuit na may Pintados pattern para sa Visayas, at brass accessories at T’boli headdress mula Mindanao.​

Unang sumabak sa international pageant si Gray noong 2016 nang magsilbi siyang kinatawan ng Pilipinas sa Miss World. Natapos ang kaniyang laban doon nang mapabilang siya sa Top 5.

Muli naman niyang sinubukan ang pageant nitong taon nang lumaban sa Binibining Pilipinas, kung saan kinoronahan siyang Miss Universe Philippines.

PAPURI PARA KAY CATRIONA, BUMUHOS

Bumuhos naman ang papuri para kay Gray mula sa mga personalidad dito sa bansa gaya ng mga dating Pinay Miss Universe, beteranong fashion designer na si Renee Salud, hosts ng "It's Showtime," at maging mga opisyal ng gobyerno.​

Pinuri rin ng Malacañang ang pagkapanalo ni Gray.

"In her success, Miss Philippines has shown to the world that women in our country have the ability to turn dreams into reality through passion, diligence, determination, and hard work," sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa isang pahayag.

Ipinagmalaki naman si Gray ng kaniyang mga kaanak na tumutok mula Oas, Albay, at Quezon City.

Gusto naman ng Oas na mabigyan ng hero's welcome si Gray kapag nakabalik siya roon, sabi ni Mayor Domingo Escoto Jr.-- May ulat nina Dyan Castillejo, Mario Dumaual at Thea Omelan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.