Slime bakit mapanganib na laruan para sa bata?

ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2019 03:14 PM | Updated as of Dec 16 2019 03:24 PM

Nagbabala ang miyembro ng isang environmental group laban sa pagbili ng laruang slime na maaari aniyang mapanganib para sa mga bata.

Ayon kay Thony Dizon, chemical safety campaigner mula sa EcoWaste Coalition, dapat maging conscious ang mga magulang sa pagreregalo ng slime, isang uri ng laruang nauuso umano sa mga bata.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ang slime ay makulay, malapot at madulas na substance na mistulang putik.

"Hindi natin alam kung ano 'yong residue na naiiwan sa kamay," ani Dizon sa panayam ng programang "Sakto" ng DZMM.

Ayon pa kay Dizon, marami raw silang nakitang slime sa mga pamilihan na kulang sa product information kaya walang katiyakan kung ano ang mga materyal na ginamit sa paggawa ng nasabing laruan.

Bukod sa slime, ilan pa sa mga laruang nabanggit ni Dizon na maaaring mapanganib para sa mga bata ang pellet gun, at mga laruang mistulang kutsilyo at espada.

Nagpaalala naman si Dizon sa mga bibili ng laruan sa mga bata na unang tingnan sa packaging kung wasto ang laruan sa edad ng batang maglalaro nito.

Mainam ding tingnan kung ang manufacturer o distributor ng laruan ay nakakuha ng license to operate mula sa Food and Drug Administration.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.