Dating palaboy na nag-viral muling makakapiling ang pamilya

ABS-CBN News

Posted at Dec 16 2019 12:22 PM | Updated as of Dec 16 2019 12:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Labis ang tuwa ng isang dating palaboy, na nag-viral noon sa social media, dahil muli na niyang makakapiling ang kaniyang pamilyang matagal nang nawalay sa kaniya.

Unang nakilala si Gil "Mang Jun" Labaguis matapos siyang tulungan ng aktres na si Heart Evangelista at ng dog rescue group na Pawssion Project para magkaroon ng sariling tirahan.

Marami ang naantig sa kuwento ni "Mang Jun," 61, dahil sa kabila ng pagiging palaboy nito, nagawa pa rin nitong alagaan ang mga asong napulot sa lansangan sa loob ng halos 2 dekada nitong pamumuhay sa kalsada.

Sa gitna ng isang Christmas party na inihandog ng "Rated K" para kay "Mang Jun," nakatanggap ang programa ng tawag mula sa panganay niyang kapatid na si Renato, na 15 taon na niyang hindi nakikita.

Pero hiniling na lang ng pamilya Labaguis na isapribado ang kanilang reunion.

"Masayang-masaya na po ako lalo na muli akong nabigyan ng pag-asa na muli kaming magkikita-kita," ani "Mang Jun" sa panayam ng Rated K.

Lalong ikinatuwa ni "Mang Jun" nang ipabatid sa kaniya ni Renato na alam nito kung nasaan ang kaniyang anak, na nawalay sa kaniya bago siya nagsimulang magpalaboy at matagal na niyang hinahanap.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.