Cape Bojeador Lighthouse, muling binuksan matapos ang rehabilitasyon

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2019 08:17 PM | Updated as of Dec 12 2019 09:54 PM

Binuksan na muli ang tanyag na Cape Bojeador Lighthouse sa Burgos, Ilocos Norte matapos ang apat na buwang rehabilitasyon. Keno Rabe, ABS-CBN News

BURGOS, Ilocos Norte (UPDATE) - Bukas na ulit para sa mga gustong bumisita ang Cape Bojeador Lighthouse sa Burgos, Ilocos Norte matapos ang apat na buwang rehabilitasyon.

Nauna nang isinara ang lighthouse noong Agosto matapos gumuho ang harapang bahagi ng kinatatayuan nito dahil sa pananalasa ng bagyo.

Nilagyan ito ng retaining wall at nagdoble-trabaho ang contractor para makapagbukas ngayong Kapaskuhan, kung kailan inaasahang daragsa ang mga turista.

Ayon sa mga awtoridad, binilisan nila ang rehabilitasyon na nakatakda sanang matapos sa Abril 2020 pa.

"Binilisan talaga. 'Pag ganyan na mga project natin kailangan immediate action, mabilis mga kontraktor, 'pag di kakayanin nagpapatulong din sila," paliwanag ni Maria Venus Torio, engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ng Ilocos Norte.

Isa ang Cape Bojeador Lighthouse sa mga patok na pasyalan sa lalawigan. Isa ito sa pinakalumang gumaganang lighthouse sa Pilipinas na naipatayo pa noong panahon ng mga Kastila.

Noong nakaraang taon, mahigit 100,000 turista ang naitalang bumisita sa parola. Bago ito ipasara noong Agosto, umabot na sa 70,000 turista ang bumisita sa lugar.

Dahil sa muling pagbubukas nito, balik sigla rin ang mga negosyo sa palibot ng parola.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.