Isa sa mga inaabangan tuwing Pasko ang mga salu-salo kasama ang pamilya. Pero dahil sa coronavirus disease (COVID-19) pandemic, may ilang dapat gawin para makaiwas sa sakit. ABS-CBN News
MAYNILA - Isa sa mga pinakainaabangan tuwing Pasko ay ang pagkakaroon ng mga family reunion.
Pero ngayong may coronavirus disease (COVID-19) pandemic pa rin at nililimitahan ang paggalaw ng mga tao, nagbahagi ng ilang tips ang isang eksperto para maiwasan ang pagkalat ng sakit.
Ayon kay Dr. Benjamin Co, Infectious Diseases and Clinical Pharmacology Expert, mataas pa rin ang tsansang mahawahan ng virus sa mga reunion.
"We are in a pandemic. That’s the important thing we have to remember. The number of cases is still high, 4 digits. The mere fact that LGUs are being very careful in allowing motion in their respective areas is a sign that it’s not wise to just gather together,” ani Co.
Kung magsasalu-salo sa Pasko, dapat aniyang limitahan ito sa mga kasamahan sa bahay, o kung tawagin ay mga "core family."
Huwag na rin anilang mag-imbita ng ibang kamag-anak at kaibigan para manatiling ligtas sa COVID-19.
Kapag may nararamdamang sakit, huwag na muna sumama sa salu-salo.
"Pag may sakit tayo, huwag lumabas na. Invite the essential people, not the extended relatives anymore. Immediate family lang. Those you’ve not seen in a very long time. Don’t invite them muna," ani Co.
Kung maaari, gawin sa labas ng bahay ang pagdiriwang.
Pero kung hindi ito maiiwasan, iwanang bukas ang mga bintana ng bahay para sa maayos na bentilasyon.
"We are in the rainy season. If it’s indoors, you just have to open the windows. You don’t have to be in a congested area," ani Co.
Limitado lang din dapat ang naghahanda at naghahain ng pagkain.
Payo rin ni Co, iwasan ang pagbiyahe para bumisita sa mga mahal sa buhay ngayong Pasko. Pero kung talagang kinakailanga, gawin itong mabilis.
"Kung kailangang bisitahin, baka we can make it quick. Hindi kailangang mag-overnight. Even if it’s a family gathering, it’s important to remember that it’s a shared decision we all make, responsibilidad natin. Ang tawag doon, pagmamalasakit sa kapwa," ani Co.
-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Pasko, Christmas, family reunion, Christmas salu-salo, Christmas reunion, family, pamilya, tips, ligtas, safety tips