Mangangalakal, binigyang-pugay ng anak na cum laude graduate

ABS-CBN News

Posted at Dec 08 2022 11:31 AM | Updated as of Dec 12 2022 07:39 PM

Photos courtesy of Ross Leo Forbes Mercurio
Photos courtesy of Ross Leo Forbes Mercurio

MANILA — Binigyang-pugay ng Bayan Patroller na si Ross Leo Forbes Mercurio ang kaniyang amang mangangalakal dahil sa pagsisikap nito para sa kaniyang pag-aaral.

Nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Agri Business Management and Entrepreneurship si Mercurio sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Lopez, Quezon, at may Latin honors pa.

Ibinihagi ng cum laude graduate sa isang social media post ang kaniyang pagpupugay sa kaniyang mga magulang, lalo na sa kaniyang amang si Rosauro.

Para kay Mercurio, naging susi ang pagkayod ng ama niya upang makapagtapos siya ng pag-aaral.

Hanga raw siya sa pagsisikap ng kaniyang ama upang matustusan ang kaniyang pag-aaral at ang pang araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya.

Sa kabila kasi ng edad na 64 at kapansanan ng kaniyang tatay, patuloy pa rin ito sa pangangalakal.

Minsan, dis-oras na raw umuuwi ang ama ni Mercurio, ngunit hindi naman niya ito iniinda basta may maiuwing pera para sa pamilya.

Ngayong college graduate na si Mercurio, balak niyang makakuha ng magandang trabaho para masuklian ang kaniyang mga magulang at mapaaral din ang kaniyang mga nakababatang kapatid.

“Gagawin ko po ang lahat ng aking makakaya at nakita ko po ang hirap na dinanas ng aking ama at nais ko po ito suklian pag may maayos na akong trabaho at stable na ang aking buhay," aniya.

Si Tatay Rosauro naman, proud na proud sa kaniyang anak na graduate na, may Latin honors pa.

Matagal ng hiling ni Tatay Rosauro na makapagtapos ang kaniyang anak dahil ayaw niya itong maging katulad niya na araw-araw ay nakikipagsapalaran sa lansangan para kumita.

Hangad niya para sa kaniyang mga anak na sana magkaroon sila ng maayos at magandang pamumuhay.

— Mikhaela Navarro, Bayan Mo iPatrol Mo

Watch more News on iWantTFC