Mga lechong baka bumida sa pista sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Dec 06 2019 01:19 PM | Updated as of Dec 06 2019 02:58 PM

Tampok sa Kabakahan Festival sa Padre Garcia, Batangas ang mga baka, na ipinagmamalaki ng mga residente bilang pangunahin nilang kabuhayan. Merwin Javier, ABS-CBN News

Binihisan ng barong ang isang lechong baka, nagsama-samang kumain ang mga magkababayan, at humataw sa pagsayaw ang mga kabataan sa pistang idinaos noong Linggo sa bayan ng Padre Garcia, Batangas.

Ipinagdiwang ng bayan ang Kabakahan Festival, na hango sa baka na ipinagmamalaki ng mga residente bilang pangunahin nilang kabuhayan.

"Pino-promote namin ang baka o bakahan, kung saan dito po kumukuha ang ating mga kababayan ng kabuhayan," ani Ohmie Diaz, tourism officer ng Padre Garcia.

Kasabay rin ng pista ang ika-70 anibersaryo ng bayan.

Ilan sa mga highlight ng pista ang salu-salo ng mga residente ng mga lechong baka, baboy, at manok matapos iparada ang mga ito.

"Masarap talaga ang baka, ang lechong baka dito," ani Nomer Caperenia.

Isa sa highlights ng Kabakahan Festival ang streetdance competition na nilahukan ng mga kabataan mula sa 18 barangay ng bayan. Merwin Javier, ABS-CBN News

Nagpabilib naman ang mga kabataan mula sa 18 barangay ng bayan sa idinaos na street dance competition.

Ang ilang kalahok ay umindak sa sayaw ng mga katutubong pangkat, nagpakita ng routine na layong ipagmalaki ang pagiging agrikultural na lugar ng bayan, at may sumakay sa paper mache na baka para magmistulang cowboy.

"Napakahusay nila. Napakagaling nila dahil sabay-sabay [gumalaw]," anang manonood na si Lolit Plandez.

-- Ulat ni Merwin Javier, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.