ALAMIN: Nutrisyong taglay ng mga pagkaing pampasko

ABS-CBN News

Posted at Dec 05 2019 02:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hindi maiwasan ng maraming Pinoy ang kumain nang marami ngayong panahon ng Pasko dahil sa kaliwa't kanang handaan na kanilang dinadaluhan.

Sa programang "Good Vibes" ng DZMM, ibinahagi ng dietitian na si Pearl Esguerra ang mga nutrisyong taglay ng mga pagkaing karaniwang inihahanda tuwing Pasko, at mga sakit na maaaring maidulot nito sakaling masobrahan ng kain.

 HAMON AT LECHON

Ang hamon ay mayaman sa protina na nakatutulong sa pag-develop ng mga muscle at buto, ayon kay Esguerra, na tagapagsalita ng Nutritionist-Dietitians' Association of the Philippines.

Pero marami rin umanong saturated fats, kolesterol, at sebo ito.

"Sebo na magiging dahilan para magkaroon tayo ng fatty plaque na bumabara sa ugat," ani Esguerra.

Kapag nasobrahan ay maaaring makaranas ng high blood ang isang tao.

Gaya ng hamon, marami ring taglay na fats at protina ang lechon.

Wala naman din daw problema sa pagkain ng balat ng baboy basta alisin ang taba sa ilalim nito.

"Masarap 'yon pero at the same time, it will give you [sebo]," ani Esguerra ukol sa taba.

KESO DE BOLA

Ipinayo naman ni Esguerra ang "hinay-hinay" na pagkain ng keso de bola dahil sa alat nito.

Bilang isang dairy product, mataas din umano sa protina ang keso de bola.

Sa isang araw, mainam na 20 hanggang 30 gramo ng keso de bola lang ang kainin, ani Esguerra.

LECHE FLAN

Ang leche flan ay maraming itlog, gatas at asukal kaya nagbabala si Esguerra sa dami ng kolesterol na nakukuha sa egg yolk at sobrang asukal.

Sa isang araw, 1/4 ng isang maliit na liyanera ang ipinapayo ni Esguerra na kainin.

FRUIT SALAD

Sari-saring bitamina at carbohydrates ang maaaring makuha sa fruit salad dahil sa pinaghalo-halong mga prutas dito, ayon kay Esguerra.

Makakukuha rin umano ng protina mula sa gatas at asukal ng fruit salad. 

PASTA

Ipinayo naman ni Esguerra ang pagkain ng isang bowl ng pasta sa isang upuan.

Maraming carbohydrates ang pasta at ang ibang nutrisyon ay nakadepende umano sa ibang sangkap na ihahalo rito.

"Kung naglalagay tayo chicken, maraming protein 'yon, 'pag naglalagay tayo mayonnaise, may fats 'yon," ani Esguerra.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.