MAYNILA - Muling nagningning ang bayan ng Taal sa Batangas nang sindihan ang libo-libong ilaw sa sentro ng bayan.
Tampok sa pailaw ang 60 talampakan na Christmas tree. May Tunnel of Lights din at mga ilaw na hugis jellyfish.
“Ang sinisimbolo nito ay patuloy na may ilaw ang bawat isang tao. May ilaw ang buhay ng isang tao at ang Pasko at fiesta sa paggunita itong ating pailaw na ito. Ito ang liwanag ng pagsisimula ng ating bagong buhay,” ayon kay Mayor Pong Mercado.
Nagliwanag din ang Minor Basilica of St. Martin of Tours, ang itinuturing na pinakamalaking simbahang Katolika sa Asya.
Ang pailaw sa Taal ay nagsimula noong 2017 pero nahinto ng nakaraang taon dahil sa pandemya.
Karamihan sa mga ginamit na ilaw ay ang mga naisalba pa halos tatlong buwan matapos payagang bumalik sa Taal ang mga residente nang pumutok ang bulkang Taal noong Enero 12, 2020.
Sa kabila ng banta ng pandemya at patuloy na banta ng bulkan hindi mapipigilan ang pag andap ng mga ilaw na magsisilbing liwanag sa daan patungo sa pagbangon.
Inialay rin ang pailaw sa Taal sa mga nag-alay ng buhay ngayong pandemya para marami ang makapagpatuloy ng kanilang buhay.
Bukas ang pailaw mula alas-5 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi.
Pero mga fully vaccinated lamang ang papayagang makapamasyal. Pwede ang mga bata basta kasama ang mga magulang o guardian. Kailangan pa rin ang pagsusuot ng face mask.
Nasa 4,000 lamang ang papayagan sa loob ng pasyalan.
Christmas tree lighting, bulkang Taal, Taal, Batangas, Pasko, COVID 19, Coronavirus, TV PATROL