Paano masasabing 'fake news' ang nakikita sa social media?

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2019 03:33 PM | Updated as of Dec 02 2019 03:45 PM

Sa panahon ngayon, napakadali nang magpakalat sa social media ng "fake news" o maling impormasyon na ibinebenta bilang lehitimong balita at may layong manlinlang.

Pero paano nga ba masasabing peke ang impormasyong nakikita online?

Isa sa mga katangiang nagpapahiwatig na maaaring "fake news" ang binabasa ay kung "parang mahirap paniwalaan" ang impormasyon, ayon kay Danilo Arao, na nagtuturo ng journalism sa University of the Philippines-Diliman.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kaduda-duda rin daw ang istoryang nakikita kung walang mga detalye o impormasyong sumusuporta rito.

"Walang iba pang mga impormasyon na magko-corroborate doon sa item na 'yon," ani Arao sa programang "Sakto" ng DZMM.

Kadalasan daw ay kung mahalaga ang balita ay maraming media organization ang nag-uulat nito.

"Halimbawa, sa isang website lang nakita tapos tiningnan mo sa ibang website tapos parang hindi mo makita 'yong same information. Usually kasi 'pag media, mahalagang impormasyon, mahalagang balita, pare-pareho," paliwanag ni Arao.

MAY PANANAGUTAN

Hindi rin gaya ng mga fake news account o website, maaari umanong panagutin ang mga lehitimong news organization kapag naglabas ang mga ito ng maling impormasyon dahil inilalagay kung kanino nanggagaling ang istoryang inilalathala ng mga ito.

"Sa isang fake news site, kadalasan hindi malinaw kung kanino nanggagaling [ang impormasyon]," ani Arao.

Kapag naglabas din ng maling impormasyon ang mga lehitimong news organization ay agad nila itong itinatama at humihingi ng public apology, ayon kay Arao.

Ipinayo ni Arao sa mga social media user na maging mapanuri sa mga istoryang nakikita online.

Mainam din umanong iwasan ang pag-share ng mga artikulo kung titulo lang ang binasa at hindi ang buong istorya.

Ang palagay kasi ng iba ay kapag nag-share ng istorya ang isang tao sa social media ay pinaniniwalaan at pinaninindigan na niya ito, ayon kay Arao.

"Basahin nang buo iyong isang bagay na ishe-share kasi hindi puwedeng sasabihin mo na, 'Totoo ba ito?' tapos shinare mo na lang," aniya.

Nagbabala rin si Arao na hindi lamang sa pamamagitan ng text story o mga retrato maaaring kumalat ang maling impormasyon kundi maging sa mga video.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.