Devil masks at sculptures, tampok sa koleksiyon ng abogado

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2018 05:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa bawat lugar na kaniyang pinupuntahan, tinitiyak ng abogadong si Dominador Buhain na mayroon siyang nauuwing souvenir o bagay na makapagpapaalala sa kaniyang pagbisita.

Mula sa 200 biyahe niya sa loob at labas ng bansa, umabot na sa 15,000 souvenirs ang nakokolekta ni Buhain, dahilan para itayo niya noong 2014 ang museong Rex Habitat and Cultural Display Area sa Tanza, Cavite.

Ayon kay Buhain, bukod sa pansariling interes na makapagpanatili ng mga bagay na kaniyang naiuuwi, hangad din niyang maipakita ang mga ito sa ibang hindi pa nakabibiyahe sa mga lugar na napuntahan niya.

"Nanggaling kami sa mahirap na pamilya at napakahirap ng kabuhayan. Sabi ko, gusto ko magkaroon ng resolution, lahat ng gusto kong i-preserve, dapat i-preserve," sabi ni Buhain sa programang "Matanglawin."

"Ang goal ko talaga bukod sa mahilig ako mangolekta, gusto kong makatulong, lalo na 'yong mga ibang kababayan natin, di pa nakakapag-abroad," aniya.

Pero ang pinakaagaw-pansin sa kaniyang mga koleksiyon ay ang kaniyang mga maskara at pigura ng devil o diyablo.

Hango raw ang koleksiyong iyon ni Buhain sa Žmuidzinavičius Museum, isang museo sa Lithuania na tahanan ng 3,000 maskara at pigura ng devil.

"Napansin ko na very rare 'tong museum na 'to kaya na-encourage ako to put up a museum na kamukha niyan para ipakita naman sa mga kababayan natin," ani Buhain.

"Kapag may object na may devil appearance, binibili ko," dagdag niya.

Kabilang sa naturang koleksiyon ang maskara ng isang diyablo mula Malaysia na nakikita umano ng mga miyembro ng isang tribo roon kapag sila ay humihithit ng drogang nagbubunga ng mga halusinasyon.

Mayroon din siyang maskara ng diyablong ginagamit sa isang pista sa Chile at maskara ng diyablo mula Mali na sumisimbolo sa galit ng mga tao doon na nakaranas noon ng slavery o pang-aalipin.

Isa pang kakaibang pigura sa koleksiyon ni Buhain ay ang pigura ng Jenglot, isang kalahating tao at kalahating ahas na bahagi ng mitolohiya ng Indonesia.

Ayon sa alamat, dating monghe raw ang jenglot na nag-meditate sa isang kuweba para magkaroon ng kapangyarihan.

Pero bukod sa koleksiyon ng mga larawan ng diyablo, nangongolekta rin si Buhain ng mga eskultura si San Gabriel.

"Ito ay simbolo na dapat ang masama ay dapat matalo ng kabutihan," sabi ni Buhain.

Makikita rin sa museo ni Buhain ang mga eskultura ng mga sarimanok, sirena at ilang mga hayop gaya ng elepante.

Nangongolekta rin siya ng mga door tag ng mga hotel na tinutuluyan niya sa kaniyang mga paglalakbay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.