Mga Santa figure, miniature village tampok sa Christmas house sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Dec 01 2019 02:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pagsapit ng dilim tuwing panahon ng Pasko, nagniningning ang loob at labas ng isang bahay sa bayan ng Calumpit, Bulacan dahil sa magarbo nitong Christmas decorations.

Simula 6:30 ng gabi, lumiliwanag ang Casa Tetangco, hudyat na bukas na ito sa publikong gustong pumasok at masilip ang mga dekorasyon.

Iba't ibang pigura ni Santa Claus at mga reindeer, Christmas trees, at maliliit na Christmas village ang masusulyapan ng mga bisita sa bahay, na itinayo noong 1940s at binuksan sa publiko noong 2015.

"Kasi mahilig kaming mag-decorate ng bahay lalo na kapag Christmas," ani Von Tetangco, isa sa mga may-ari ng bahay.

"Naisip namin na i-open 'yong bahay in public para 'yong saya na nadudulot sa'ming magkakapatid ng pag-aayos ng bahay ay nais naming ibahagi sa iba," aniya.

PAGBAHAGI NG PAGMAMAHAL SA IBA

Nadagdagan kamakailan ang miniature Christmas village sa Casa Tetangco, na gawa mismo ng mga nakababatang miyembro ng pamilya.

Ibinebenta ng pamilya ang naturang village sa halagang P400 hanggang P650, at ang kita rito ay gagamiting pambili ng pagkain sa mga kapos-palad na bata sa komunidad.

Maaaring makuha ng buyer ang mga piraso pagkatapos ng Pasko, ayon kay Von.

"Kasi nasanay kami sa saya. Masaya lagi sa bahay. 'Yong pagmamahal at saya di dapat nananatili sa 4 sulok ng bahay, dapat 'yon ay binabahagi," ani Tetangco.

Ayon naman sa mga bumibisita sa bahay, ramdam nila ang kapaskuhan dahil sa mga nakabibighaning dekorasyon.

"Ang ganda ng mga decor," ani Alvin Dionisio.

"[Ang] saya-saya ng pakiramdam kasi na-preserve nila 'yong bahay at binigyan ng mas magandang aura o dating," sabi naman ni Mary Grace Rodriguez.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.