Mga higanteng Christmas tree sa Metro Manila isa-isa nang pinapailawan

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2020 08:36 PM

Pinailawan ang isang Christmas tree sa Manila City. Screengrab mula sa video ng Manila Public Information Office

MAYNILA — Puno man ng pagsubok ang 2020, hindi pa rin mapipigilan ang mga Pinoy na ipagdiwang ang Pasko.

Kaya naman nagniningning ang maraming lugar sa Metro Manila dahil sa sunod-sunod na pagpapailaw sa mga dambuhalang Christmas tree.

Sa Robinson's Place Manila, kakaiba ang Christmas tree ngayong taon dahil pinalilibutan ito ng mga palamuting hot air balloon na sumi-simbolo umano ng pag-asa.

Highlight din ng event sa mall ang pagbigay ng maagang pamasko sa mga jeepney driver na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa Ayala Boulevard, simple ngunit makahulugan naman ang mga palamuti ngayong taon.

Pinoy na Pinoy ang disenyo dahil sa naglalakihang parol at mga palamuting gawa sa Capiz.

Hindi naman nagpahuli ang Araneta Center sa Cubao, Quezon City.

Matapos pailawan ang Christmas tree, isinunod naman ang isang engrandeng belen.

Sa Maynila, 40 talampakang Christmas tree ang kumumpleto sa disenyo ng makasaysayang Bonifacio Shrine at Manila City Hall.

RELATED VIDEO: Mga palamuti sa Pasko sa iba't ibang lugar agaw-pansin

Watch more in iWantTFC

-- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.