PatrolPH

Filipino teacher sa Amerika, ginagamit ang musika sa pagtuturo ng Science

Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2021 02:28 PM

Watch more on iWantTFC

Isang Filipino teacher sa Amerika ang hinahangaan ngayon dahil sa paggamit niya ng musika upang makapagturo ng Science at Math sa kaniyang mga estudyante.

Pinatutugtog ng instrumento at pinakakanta ni John Carlo Tulinao ang kaniyang mga estudyante sa isang paaralan sa Phoenix, Arizona upang maipaintindi sa kanila ang ilang mga konsepto sa Science at Math.

"Kung titingnan niyo po kasi, kapag tayo ay tumugtog ng instrument, kahit ano pong ginagawa natin, mayroon siyang kasamang science," sabi ng 31 anyos na guro na tubong-Antipolo City sa panayam ng TeleRadyo.

Halimbawa'y pinatugtog ni Tulinao ang kaniyang mga estudyante ng bungkaka, isang instrumento mula sa Kalinga, para mapag-aralan ang mga konsepto ng "vibration, force [at] sound" sa science.

Tinuro rin ni Tulinao ang awiting pambata na "Tong Tong Tong Pakitong-Kitong" para makapagturo tungkol sa pangangalaga sa mga yamang-dagat.

"Mas nagiging interesting sa mga bata iyong pine-present ko sa kanila. Hindi lang po iyon, mas nagiging appreciative sila sa iba't ibang klase ng kultura," ani Tulinao, na 11 taon nang guro at 5 taon nang nagtuturo sa Arizona.

Dahil sa kaniyang natatanging paraan ng pagtuturo, ginawaran nitong taon si Tulinao ng Urban Science Educator Development Award mula sa National Science Teaching Association ng Amerika.

Kasalukuyang kumukuha ng doktorado sa applied learning science si Tulinao sa University of Miami sa Amerika.

Pagkatapos aniya ng kaniyang doktorado, balak ni Tulinao na bumalik sa Pilipinas para maibahagi sa ibang mga guro ang kaniyang istilo at mga natutunan.

"Ang goal ng aking program ngayon ay para baguhin 'yong nakasanayan nating sistema sa edukasyon," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.