Dapat bang pigilan ang sarili na magwaldas ngayong Pasko habang pandemya?

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2020 04:28 PM

Dagsa pa rin ang mga mamimili sa Divisoria sa kabila ng mga guideline tungkol sa physical distancing habang patuloy ang COVID-19 pandemic. Kuha noong Nobyembre 24, 2020. George Calvelo, ABS-CBN News

Kasama na sa usaping Pasko ang gastos, lalo’t inaasahan ang pagpasok ng bonus pati na ang 13th month pay sa mga panahon na ito na inilalaan sa mga handaan o kaya sa regalo. 

Iyon nga lang, nagpapatuloy pa rin ang pandemya at marami pa rin ang naghihigpit sa sinturon lalo na kung umaray ang hanapbuhay habang naka-lockdown. 

Pero kung tatanungin ang financial expert na si Salve Duplito, wala namang masama kung gagastos para sa mga regalo at iba pang kaakibat na gastusin ngayong Pasko. 

Payo lang niya, dapat itong tapatan ng tamang pagba-budget. 

"Hindi naman puwedeng huwag pagbigyan, dapat may kaunting happiness [pa rin]. Kung super pagtitipid naman hindi tama ‘yon, kung super gastos di rin tama," aniya sa programang "Sakto" ng TeleRadyo noong Biyernes. 

Importante pa rin aniya ang pagiipon habang hindi pa matiyak kung kailan babalk sa normal ang sitwasyon. 

Payo rin ni Duplito sa mga makatatanggap ng kanilang bonus na maglaan ng budget para sa emergency fund. 

“Ilagay sa emergency funds natin, 'yun ang unang pagbu-budget natin. Emergency fund muna bago lahat kasi hindi natin alam na may part 2, part 3, part 4 (ang pandemya). 'Yung susunod na 10-20 percent ibayad sa utang,” ani Duplito. 

At kahit pa gumanda ang negosyo habang lockdown, payo ni Duplito na huwag maging kampante. 

"Dapat i-maintain lang, 'wag natin dagdagan 'yung lifestyle. Idagdag natin sa emergency funds or kung puno na, i-invest natin para mayroong pumapasok na pera. Kung may nabawasan ang suweldo ito 'yung kailangan magtipid tayo," ani Duplito. 

May tamang panahon din aniya para gastusin ang mga naipon na pera. Giit niya, mas mabuting gastusin ito "kung maganda na ang sitwasyon."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.