Kailan maituturing na sakit ang labis na pagkabalisa?

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2019 03:11 PM | Updated as of Nov 28 2019 04:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Lahat ay nakararamdam ng anxiety (pagiging nerbiyoso o pagkabalisa) paminsan-minsan. Isa itong normal na emosyon kapag nahaharap sa ilang situwasyon, tulad ng bago sumalang sa job interview o bago kumuha ng pagsusulit.

Pero kapag nakakaapekto na ang pagiging nerbiyoso o pagkabalisa sa normal na takbo ng buhay ng tao, maaari na itong maituring na disorder, ayon sa isang psychiatrist.

"Kapag ang sintomas [ng anxiety] ay excessive. Ibig sabihin, dahil sa mga nararamdaman niya, hindi na niya nagagawa 'yong mga responsibilidad niya, nakakaapekto na ito sa normal functioning ng kaniyang pamumuhay," paliwanag ni Jerome Go sa programang "Good Vibes" ng DZMM.

Posible ring may anxiety disorder ang isang taong madalas makaramdam ng labis na pagkabalisa at mga pisikal na sintomas nito sa loob nang 6 na buwan, ayon kay Go.

Ilan sa mga pisikal na sintomas ng anxiety, ayon kay Go, ay ang mabilis na pagkabog ng dibdib, pagpapawis ng mga kamay o paa, pagpapawis nang malamig, panlalamig ng katawan, pag-ihi, pagdumi, at pagsusuka.

Halimbawa naman umano sa mga paraan na nakakaapekto ang anxiety sa normal na takbo ng buhay ay kung hindi na nakakapasok sa trabaho, nakakalabas ng bahay, o nakakatulog ang taong nakakaramdam nito.

Ilan naman sa mga sakit na kadikit ng anxiety disorder ay phobia o labis na takot sa isang bagay o situwasyon, at panic disorder o iyong hindi maipaliwanag na pakiramdam na may masamang mangyayari.

Ipinayo ni Go ang pagkonsulta sa doktor ng mga tao para makita kung sila ay mayroong anxiety.

Para naman sa mga taong may kakilalang may anxiety disorder, ipinayo ni Go na iwasan ng mga ito na sabihan ang kakilala na kulang ang mga ito sa dasal o pakikisalamuha sa ibang tao, o "nasa isip" lang niya ang kaniyang nararamdaman.

Ang dating umano kasi nito sa taong may anxiety ay mistulang sinisisi sila sa kondisyong hindi naman nila gusto.

Hinimok ni Go ang pagiging mas positibo at "encouraging" sa pagkausap sa mga taong may anxiety.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.