Bata natututong mag-focus, makisalamuha dahil sa physical activity: eksperto

ABS-CBN News

Posted at Nov 28 2019 03:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tila mas marami nang bata ngayon ang mas nahuhumaling sa paglalaro gamit ang kanilang mga gadget sa halip na maglaro sa labas.

Pero ayon sa isang guro, mahalagang turuan ang mga bata na magkaroon ng mga aktibidad na naigagalaw nila ang kanilang mga katawan dahil may mga benepisyo ito hindi lang sa pisikal na anyo kundi pati sa pag-iisip.

Sa panayam ng programang "Sakto" ng DZMM, ipinaliwanag ni Jo-ann Grecia, propesor sa College of Education ng University of the East, na nakabubuti ang pagkakaroon ng physical activity sa mental health, kakayahan ng tao na mag-focus, at maging sa social skills o pakikisalamuha sa iba.

"Madami talagang benefits diyan outside the physical benefits," ani Grecia.

"Kaya ine-encourage namin sa physical education na you provide opportunities for students to play, to move in so many ways — sports, dance, recreation, fitness," dagdag niya.

Base raw sa mga siyentipikong pag-aaral ay may bahagi ng utak na gumagana kapag ang isang tao ay lumalahok sa pisikal na aktibidad, na nakatutulong sa pag-iisip, pagiging alerto, at pag-concentrate.

Mainam din umanong ituro ang pagiging physically active habang bata para madala ito ng bata sa pagtanda.

"'Yong simpleng pagpayag pa lang na ikaw ay maglaro sa labas ng iyong bahay, 'yon ay opportunity to play," ani Grecia.

"Hoping na kahit grumaduate na siya sa school, nagkaroon na siya ng interes sa paggalaw, magko-continue na ito," aniya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.