PatrolPH

Negosyante sa Bacolod 'nagpapa-buffet' sa mga pusang kalye

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2020 08:16 PM

Negosyante sa Bacolod 'nagpapa-buffet' sa mga pusang kalye 1
Patuloy ang pagpapa-buffet ng isang animal-lover kahit marami na siyang alaga dahil para sa kanya ay suwerte ito sa negosyo. Retrato mula kay Sheryn Cawit


MABINI, Bacolod — Sa feeds store ni Sheryn Cawit malapit sa Libertad Market ay maraming mga pusa at minsan aso ang gumagala at umaaligid.

Pero kalaunan, tila naging tahanan na rin nila ang establisimyento dahil sa kabutihang loob ni Cawit sa mga palaboy na hayop.

Kaya kadalasan, tila nagpapa-buffet si Cawit sa mga pusang kalye na napapadpad sa kaniyang feeds store. 

Kuwento niya, kung minsan daw ang pinakamahal na cat food pa ang pinipili ng mga ito pero hindi niya ito pinapansin dahil naniniwala siya na dapat binabahagi ang blessings kahit sa mga hayop.

Dahil sa pa-buffet ni Cawit, may 13 pusa na siya na inampon, pero 2 dito ay may kumupkop na rin.

Patuloy naman ang pagpapa-buffet niya kahit marami na siyang alaga dahil para sa kanya ay suwerte ito sa negosyo.

Hinangaan naman ng Bacolod City-based animal welfare group na BACH Project Ph ang ginagawa ni Cawit.

—Ulat ni Romeo Subaldo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.